Una sa Balita

Dati butas bangko: Bolick kamador na

MANDIRIGMA!

By
0 806

MULA sa pagiging benchwarmer o bangko tuwing may laban ang kanyang koponan, umuusbong na ngayon ang NorthPort rookie na si Robert Bolick bilang future scorer ng Batang Pier.

Miyerkoles ng gabi sa kanyang unang­ PBA game sa 2019 Philippine Cup, maangas na 26 puntos ang kinubra ng produkto ng San Beda Red Lions sa 117-91 win ng NorthPort laban sa Blackwater.

Sa likod ito ng 10-of-12 field goal shooting tampok ang 3-of-five sa three-point area.

Pero bago ang lahat ng ito, halos nagbalak na lamang umuwi sa kanilang probinsiya ang manlalaro nang mabangko lamang sa De La Salle Green Archers noong nasa kolehiyo pa siya.

Blessing in disguise aniya nang tawagan siya ng San Beda University dahil nagkaroon ulit siya ng pagkakataon na ilabas ang kanyang angas.

Mahalagang piyesa si Bolick sa nagdaang tatlong sunod na korona ng Red Lions sa NCAA Season 92 hanggang 94. Huli pa itong itinanghal na Finals MVP bago umakyat sa propesyonal na liga.

Gayunman, hindi agad nagtatapos ang pagpapakita nito ng tapang matapos na agad na magtala ng team high na 26 puntos sa kanyang halos perpekto na 10-of-12 shooting kasama ang tatlong rebounds at tatlong assists sa 35 minuto ng paglalaro upang tabunan ang mga bete­rano ng NorthPort Batang Pier sa kanyang unang laro sa liga.

Ang 26 puntos ni Bolick ang pinakamataas na itinalang puntos sa unang laro pa lamang ng isang rookie sa liga sa nakalipas na siyam na taon o sapul noong huling itala ni Sol Mercado ang kabuuang 29 puntos kontra sa Air21 sa ginanap na Philippine Cup noong 2009.

“Napakasuwerte ko po dahil bagay na bagay sa laro ko ang napuntahan kong team. Takbo din nang takbo ang team na katulad sa college team ko at napakabait pa sa akin ng mga kakampi. Tinuturuan nila ako sa lahat at tinutulungan din para sa una kong paglalaro sa liga,” sabi ni Bolick.

“Mahusay naman siya (Bolick) talaga. Hinog na hinog na siya sa PBA. He’s a winner and most importantly, he’s very coachable. Tinanong nga niya ako noong unang ensayo kung ano ang gagawin niya para manalo, sinabi ko sa kanya na patayin niya sa iskor ang mga kalaban, dahil kung hindi, siya ang papatayin ko,” pagbibiro ni NorthPort Batang Pier coach Pido Jarencio.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy