Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

DAR iniwan sa ere ni Castriciones

0 155

Mistulang nangangapa umano sa dilim ang mga opisyal sa Department of Agrarian Reform (DAR) dahil sa kawalan ng officer-in-charge (OIC) na mamununo sa kanila matapos itong lisanin ni dating Secretary John Castriciones para kumandidatong senador sa 2022 elections.

Ayon sa dalawang opisyal ng DAR na humiling na huwag silang pangalanan, naging epektibo umano ang pagbibitiw ni Castriciones sa kagawaran nang pormal itong manumpa bilang miyembro ng PDP-Laban noong Oktubre 8, 2021.

Gayunman, wala umano itong inirekomenda o itinalagang OIC para sa pagpapatuloy ng mga programa ng DAR.

Pinoproblema umano ngayon ng mga opisyal ng DAR ang mga nakatenggang dokumento na dapat na lagdaan at aprubahan.

Hanggang ngayon ay wala rin anilang itinatalaga ang Malacañang para umaktong OIC ng DAR.

Samantala, inakusahan ni Danilo Ramos, chairperson ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) si Castriciones ng maaga umanong pangangampanya dahil sa personal na pamamahagi ng mga Certificate of Land Ownership Award (CLOA) sa mga piling magsasaka bago ito nagtungo sa lugar kung saan ginanap ang ceremonial distribution.

Iginiit ni Ramos na pagpapakita umano ito ng kawalang malasakit ni Castriciones sa kalusugan ng mga magsasaka dahil inilantad umano ang mga ito sa panganib ng COVID-19 habang nagpapabida aniya sa mga benepisyaryo.

“Alam natin na kung saan-saan siya nagpupunta at marami siyang nakahalubilong tao na hindi natin alam kung COVID positive na. Hindi niya inalintana `yan at patuloy siyang nagpabida at nagpabibo sa mga magsasaka na potential voters niya,” ani Ramos.

Wala pang pahayag o reaksiyon ang kamnpo ni Castriciones hinggil sa mga nabanggit na isyu.

Tinangka rin ng Abante na makakuha ng panayam sa ilang opisyal ng DAR subalit walang nakausap hinggil dito. (Mia Billones)

Leave A Reply

Your email address will not be published.