Una sa Balita

‘Dapithapon’ nina Perla, Dante, Menggie movie puno ng puso

By
0 116

Kung may pelikula man kaming gustong mapanood na kalahok sa Cine­malaya na nagsimula na nu’ng nakaraang Biyernes at magtatagal pa hanggang sa August 12, ‘yun ay ang obrang “Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon (Waiting For Sunset).”

Hindi pa gumigiling ang mga camera para sa bagong obra ng magaling na si Direk Carlo Catu ay napasadahan na sa amin ni Omar Sortijas na dati naming EP sa TV5 ang kuwento ng isang dakilang pagmamahalan na pinakasentrong paksa ng pelikula.

Iikot ang kuwento sa tatlong personalidad (Perla Bautista, Dante Rivero at Menggie Cobarrubias) na hindi nasayang ang pagkakaedad sa mundo ng pelikula. Isang pag-iibigan na biglang hinamon ang katatagan sa pagbabalik ng dating mahal ni Teresa na humihingi ng kapatawaran kakambal ang kagustuhang magkalapit sila uli.

Gusto naming panoorin ang “Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon” dahil sigurado kaming puso ang tinutumbok ng istorya, bukod pa sa bibihirang mabigyan ng pagkakataong bumida sa palikula ang mga senior stars na tulad nina Perla Bautista, Dante Rivero at Menggie Cobbarubias, makikipaglaban kami sa matinding trapik para lang masaksihan ang pelikulang magkatuwang na ihinahandog sa manonood ng Cineko at Cleveland Productions.

Ang gala premiere ng “Kung Paano Hinihintay Ang Dapithapon” ay sa August 8, Miyerkules, alas nuwebe nang gabi sa Tanghalang Nicanor Abelardo sa Cultural Center Of The Philippines (CCP).

Magdusa man kami sa matinding giyera sa kalye ay sigurado kaming uuwi na punumpuno ng kaligayahan dahil sa pelikulang ito na bubusog sa aming puso.