Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Dapat may managot sa delubyo sa Marikina

0 370

Sa isang talakayan, napag-usapan nanaman ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga seminar ukol sa edukasyon para sa mga botante, ngayon na umiinit na ang simoy ng halalan para sa taong 2022. Kadalasan, ang tinatalakay sa mga ganitong seminar ay ang kahalagahan ng halalan at ng pagpili ng tamang kandidato. Nguni’t, sino ba ang tamang kandidato?

Isinasalarawan ang tamang kandidato sa pamamagitan ng mga mainam na katangian na dapat taglay nila. Pagpalagay nating mayroon taong papasa, nangangahulugan ba na magiging maayos ang kanyang pamamahala? Sa tingin ko, walang katiyakan iyon, bagama’t tumataas ang tsansa na maging maayos nga. Ang isang mas mahalagang paraan para higit na tumaas ang pagkakataon na magiging maayos ang pamamahala ay sa pamamagitan ng partisipasyon ng mga mamamayan, hindi lamang sa panahon ng eleksyon, kundi lalong-lao na pagkatapos nito.

Kinakailangan ang tuloy-tuloy na partisipasyon ng mga mamamayan para mapilitan ang pamahalaan na maging bukas at para maging daan ito upang mapanagot ang mga nagtataksil sa bayan. Ito rin ang naging himig ng mga sinasabi ni dating Ombudsman na si Conchita Carpio-Morales sa isang sesyon ng Pilipinas Conference nuong nakaraang linggo. Aniya, dapat maging mapagmatyag tayo sa posibleng korupsyon sa paggastos ng pera nilaan para sa pagtugon sa pandemya. Tila nagiging madali ang pagsasantabi ng mga prinsipyo ng pagiging bukas at pagkakaroon ng pananagutan—o kung tawagin ay transparency and accountability—sa ngalan ng pandemya.

Dapat maunawaan ng lahat na kritikal na mapanagot natin ang mga taong lumalapastangan sa atin mga Pilipino upang hindi na sila pamarisan. Kapag walang kinakahinatnan ang mga maling gawain, nagsisilbing pahintulot ito para mapagpatuloy ang mga ganitong gawain.

Sa usapin ng delubyo sa Marikina, maalala na si Gina Lopez, dating Kalihim ng DENR, ay nagbabala sa magiging perwisyo sa Marikina at iba pang mga lugar ng patuloy na pagtitibag at pagmimina na nagdudulot ng pagkakalbo sa mga kagubatan. Nanaig ang impluwensya ng mga nakikinabang sa ganitong operasyon at tinanggal si Lopez sa gabinete ni Duterte. At, nangyari nga ang sinasabi ni Lopez.

Nguni’t, hindi maaring ilista na naman ng pamahalaan ito bilang isang sakunang dulot ng kalikasan lamang lalong-lalo na malinaw na may mga maling ginawa na nagpalala ng sitwasyon. Hindi dapat abusuhin ang sinasabing katatagan ng mga Pilipino—na laging bumabangon. Maraming buhay ng tao ang naging kabayaran sa kasakiman ng ilan. Ayon sa balita at sa social media, isa dito umano ay isa ring dating Kalihim ng DENR. Sinasabi na ang pagtitibag—o quarrying—ng kanyang kompanya sa gilid ng burol sa Marikina Watershed ang maaring naging pangunahing dahilan ng delubyo.

Nararapat lamang na panagutin ang mga naging instrumento sa pagdulot ng trahedya, hindi lamang sa pamamagitan ng mga pakitang-taong imbestigasyon. Sana pareho ang galit at trato ni Duterte sa mga naging taksil sa bayan at sa mga sangkot sa droga. Nakakalungkot kasing pagmasdan ang mga taong walang kapangyarihan na nagpupursigi sa buhay habang ang mga nag-abuso sa pamahalaan ay nagtatamasa ng kaginhawaan.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.