Una sa Balita

Dapat lang matuloy ang barangay elections

By
0 801

Nararapat lamang na matuloy ang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Elections para mabigyan ng pagkakataon ang mga tao na pumili ng mga bagong lider na mamumuno sa kani-kanilang barangay.

Dapat ngang ikatuwa ng administrasyong Duterte ang pagpapa­tuloy ng eleksyon dahil may pagkakataon nang mawala bilang halal ng bayan, ang sinasabi nilang 40% sa mahigit 42,000 barangay captains sa buong bansa na sangkot aniya sa ilegal na droga.

Nakadalawang extensions na ang barangay election. Ang lumalabas ngayon ay gobyernong Duterte rin ang nag-extend sa termino ng mga barangay officials na ito na sinasabing sangkot sa iligal na droga.

Kung talagang totoo ang report na ito na natanggap ng Pangulo, noong 2016 pa sana itinuloy ang barangay election at baka nawala na sa puwesto ang mga opisyales na ito. Ngunit ang nangyari ay napalawig pa ng dalawang taon ang kanyang termino.

Sa totoo lang, gustong-gusto ng mga tao na matuloy ang eleksyon para ­mabigyan ng pagkakataon na mamili ng mga bagong ­opisyales, lalo na upang matanggal ang mga wala namang nagagawang mabuti sa kanilang barangay. Wala namang magawa ang taumbayan dahil mismong gobyerno ang nagpapalawig sa panunungkulan ng kanilang mga lider.

Ang isa mga ikinatatakot daw ng administrasyong Duterte kung bakit pinalawig ng dalawang taon ang panunungkulan ng mga barangay officials ay baka magamit ang drug money upang masiguro ang pagkapanalo. Yaman din lang naman na alam na ng administrasyong Duterte kung sinu-sinong kapitan del baryo ang sangkot sa ilegal na droga, dapat ay kasuhan na at papanagutin sa batas.

Bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin kinakasuhan ang mga barangay captains na sinasabi nilang sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga sa kanilang barangay kung may listahan na sila.

Mas makakatulong sa mga botante na makapamili ng mga matinong lider kung nakasuhan na ang mga barangay officials na ito. Ibig bang sabihin wala ring matibay na ebidensya kaya wala pang naiaakyat na kaso sa Korte.

Sa huli, dapat matuloy pa rin ang barangay at SK elections.

Ang eleksyon ay pangunahing sukatan ng isang demokrasya. Ito ang nagbibigay ng pagkakataon sa taumbayan na makilahok sa pamamahala ng bansa. Nararapat lang na siguraduhin ang matiwasay na pagsasagawa nito.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More