Una sa Balita

Danyos sa aksidente sa limousine

By
0 2

Bigo ang biyudo ng isa sa limang namatay na Pinay nurse na matanggap ang higit sa $37-milyon mula sa may-ari ng kumpanya nang nasunog na limousine car matapos na may kapaba­yaan sa panig ng ‘rent a car’ services.

Sa halip na higit sa $37-milyon ang matanggap mula sa Ford Motor Co. iniutos ng husgado sa California na bayaran si Aldrin Geronga, biyudo ni Felomina ‘Fyla’ Geronga, 43, ng $6.5 milyon.

Ayon sa hukom, walang pananagutan ang Ford Motor Co. sa kalunos-lunos na pagkamatay ni Fyla habang sakay ng limousine kasama ang apat pang Pinay nurse na binawian din ng buhay sa San Matero Bridge sa Foster City, California noong Mayo 4, 2014, araw ng Sabado.

Abante Hiring – IT dep

Sinisi ng hukom ang may-ari ng Limo Stop, isang car services na nasa San Jose, sa insidente.
Batay sa imbestigasyon, tinukoy ng mga imbestigador na nagkaroon ng “catastrophic failure” ang suspension system ng li­mousine.

Nakiskis ang drive shaft ng sasakyan sa undercarriage kaya’t kumislap hanggang magkaroon ng sunog sa loob ng sasakyan.

Ayon sa abogado ng Ford Motors, nagpabaya ang Limo Stop at inabuso ang sasakyan kaya’t nagkaroon ng sira ang suspension system nito hanggang magkasunog.

Pahayag ni William Smith, nagkaroon na ng kasunduan ang biyudong si Geronga at ang Limo Stop sa hindi binanggit na halaga.

Nakipagkasundo na rin ang mga nakaligtas sa insidente pati na ang pamilya ng mga namatay na biktima maliban sa Ford Motor Co.

Ayon kay Smith, iaapela ni Geronga ang naging desisyon ng hukom.

Base sa report, limang Pinay nurse at isang tsuper ang nakulong at nasunog sa limousine habang bumibiyahe sa San Mateo-Hayward Bridge.

Kinilala ang mga biktima na sina Neriza Fojas, 31, ng Fresno, bagong kasal; Jennifer ‘Jenni’ Balon, 39, ng Dublin; Felomina ‘Fyla’ Geronga, 43, ng Alameda; Michelle Estrera, 35, ng Fresno; at Anna ‘Beneth’ Alcantara, 46, ng San Lorenzo, California. Patungo sana sila sa party sa Foster City upang ipagdiwang ang kasal ni Fojas.

Apat pang babae at isa pang tsuper ang nakalabas habang naglalagagablab ang apoy sa nasabing sasakyan.

Iginiit ni Smith sa korte na batid ng Ford Motor Co. na mabilis magkaroon ng suspension problem ang sasakyan, subalit wala silang ginawang hakbang o babala sa mga kustomer.