Una sa Balita

Daniels, Casio, Alaska pinapak ang Magnolia

0 742

AGAD na pinasalubungan ng Alaska Aces ng masaklap na kabiguan ang Magnolia Hotshots sa paghugot ng 103-80 panalo kagabi upang pagandahin ang tsansa nito sa susunod na labanan sa ginaganap na eliminasyon ng 2019 PBA Commissioner’s Cup sa Araneta Coliseum.

Pinanumuan ng bagong import na si Robert Daniels ang mga Aces sa itinala na 23 puntos, 7 rebounds, 2 assists at 1 block na may 4-of-4 sa tres habang sinuportahan ito ni Best Player of the Game JV Casio na may 17 puntos, 1 rebound at 4 assist sa likod ng 3-of-5 sa three-point range.

Nag-ambag din si Jeron Teng ng 12 puntos, 12 rebounds, 4 assists at 1 steal pati na si Simon Enciso na may 11 markers, 1 rebound at 2 assists kung saan nagawang iposte ng Aces ang pinakamalaki nitong abante sa 28 puntos sa 94-66 sa pagpasok ng ikaapat na yugto.

Sinimulan ng Aces ang laro sa paghulog ng apat na sunod na puntos para sa 4-0 abante bago tuluyang dinomina ang kabuuan ng laban kontra sa Hotshots na tila nangangapa pa rin mula sa mahabang bakasyon matapos na sumagupa sa kampeonato ng All-Filipino Cup.

Itinala muna ng Aces ang 25-20 sa unang yugto bago nito ibinagsak ang kabuuang 25 muli sa ikalawa quarter at saka nilimitahan ang Hotshots sa 18 puntos lamang tungo sa pagtatala ng 12 puntos na abante sa pagtatapos ng unang hati sa 50-38.

Agad nakalasap ng kabiguan ang Hotshots na asam makatuntong sa ikatlong sunod nitong kampeonato matapos na magwagi noong 2018 Governors Cup at mabigo sa nakalipas na 2019 Philippine Cup kontra sa San Miguel Beer. (Lito Oredo)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More