Una sa Balita

Damit, pagkain hinahakot ng mga social worker mga bakwit dinudugasan

0 527

Inireklamo ng ilang mga residente na pan­samantalang kinakanlong sa mga evacuation center ang umano’y pangungupit at paghahakot ng ilang tauhan ng gobyerno sa mga donasyong relief goods bukod pa sa mga lumang damit at kumot na dapat sana’y mailaan sa mga residenteng nasalanta ng pagsabog ng Bulkang Taal.

Matapos nilang lisanin ang kanilang tahanan nang walang dalang kahit ano, pinagtabuyan pa umano ng isang tauhan sa evacuation center sa Sto. Tomas gym sa Batangas si Ghielian Carandang at ang kanyang pamilya.

Ayon sa post ni Ghielian Carandang sa Facebook noong Enero 15 ng alas-9:31 nang gabi, nakiusap pa ang kanyang inang si Raquel Carandang para makasilong sa Sto Tomas gym at pumayag naman ang babaeng tumatayong bantay pero sinabihan silang huwag humingi ng kumot o banig dahil ubos na raw.

Sa kanyang narinig, Mam Tess raw unamo ang pangalan ng babaeng nagtataboy sa kanila na isang miyembro ng MSWD o Municipal Social Work and Development pero hindi niya ito makumpirma.

Taga-Poblacion 7 ng Talisay, Batangas sina Carandang at isa sila sa mga pinalilikas dahil sa malaking banta ng base surge o ang pagtawid sa lawa ng lava at paggapang sa kanilang lupa.

“Pagdating nmin dito hindi po kami tinanggap nang babaeng ito puno na daw po pero base sa nakita nmin may space pa po para samin,” sabi ni Carandang.

Dagdag pa niya, bundok-bundok pa ang mga mga sleeping kit sa nasabing evacuation center kaya’t kumuha siya upang may magamit silang pamilya subalit agad umano siyang pinagalitan at pinahiya ng sinasabing Mam Tess ng MSWD.

“Hindi ko po maintindihan kung bakit kami pinagdadamutan ng taong ito? Di ba dapat tulungan nya kami kasi hindi maganda ang sitwasyon nmin ngayon,” tanong niya.

“Baka gusto iuwi nya lahat sa kanila ang kumot unan,” ayon naman sa isa pang bakwit na si Ariel Banzuelo,

Sagot naman ni Carandang, “madami nagsabi sa min na madami na daw yan naiuwi tsaka sila muna ang nagbubuklat ng mga damit pagkatapos nla pagpilian tsaka ipapabuklat sa nasalanta.”

Gustuhin man umano nilang lumipat ng evacuation center ay hindi nila magawa dahil may kasama silang may sakit na mahihirapan kung lilipat pa ng lugar.

Sabi ng kapatid niyang si Jhonroy Carandang, “Grabe po talaga dito.
Pagkagabi po o walang nkakakita kinukuha nila ung mga magagandang damit at iba pang mga gamit at inuuwe nila…tapos mga mukang basahan na po ang ibinibigay sa amin. Sabi nga po nang may ilang tindahan dito daig pa daw po ang nagshopping….grabe talaga sila humakot.”

Samantala, isang 29-anyos na lalaki na nagpanggap na volunteer ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Tagaytay City, Cavite ang hinuli makaraang hakutin ang mga ipinapamahaging relief goods.

Nakakulong ngayon sa Alfonso Custodial Center ang suspek na si Jeffrey Alcedo, binata, walang trabaho ng Barangay Amuyong, Alfonso, Cavite.

Sa ulat ni Corporal Archie Paclibar ng Tagaytay City Police Station, dakong ala-1:30 kamakalawa nang hapon nang nagtungo ang suspek sa Tagaytay Rehabilation Center sa Barangay Kaybagal South, Tagaytay City at nagpa­kilalang coordinator at volunteer ng DSWD at humingi ng relief goods na para umano sa mga kasama nitong mga bakwit sa evacuation center.
(Eileen Mencias/Gene Adsuara)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More