Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Damayan tayo

0 99

Kung may isang salitang lubos nating kailangan ngayon, iyon ay ang salitang ‘damay’. Nakapaloob sa ating pagkatao at kultura ang konsepto ng ‘damay’. May negatibo itong konotasyon lalo ang paggamit ng salitang ‘damay-damay’ o ibig sabihin, kasangkot ang lahat sa resulta ng anumang gawain.

Damay-damay na ito kapag nahuling nandadaya sa isang transaksyon halimbawa. Kapag nahuli ang isa, damay ang iba pang may ginawa para maisakatuparan ang nahuling pandaraya. Ang masama, pupwedeng may nadadamay lang kahit hindi alam ang nangyari. Ikakatwiran, nadamay lang ako, wala akong alam d’yan.

Daig naman ng mas kapaki-pakinabang na kahulugan ang negatibong konotasyon na ito. Paano ba ipaliliwanag ang kabutihang dulot ng pagdamay? Hindi lang ito basta pagtulong, mas malalim ito, pagtulong at pakikiisa sa kasawian.

Sa pagdamay natin, hindi lang natin ibinibigay ang anumang bagay sa isang tao na dumaranas ng kasawian. Ibinibigay natin ang bahagi ng ating sarili. Kaya naman kapag may damayan, hindi lang ito basta tinatawag na pagbibigyan o pagtutulungan, kombinasyon ito at higit pa ng pagtulong at pagbibigay.

Kaya ito ang aking paksa dahil sa nasasaksihan nating pagdadamayan sa pamamagitan ng mga tinatawag na community pantry sa mga pamayanan. Hindi lamang ito basta pagbibigay ng pera at pagkain, alam kong may pagbibigayan dito lalo na mula sa mga may ibibigay naman talaga, dinadamayan natin ang nangangailangan dahil ibinibigay din ng ilan ang kanilang sarili para bantayan ang pantry, para gawing organisado ang pamamahagi, para hindi makaabala sa iba, at para maging ligtas.

Nakalulungkot nga lang na may insidente ng hindi magandang pangyayari ang community pantry lalo na iyong inorganisa ng isang sikat na celebrity. Gayunman, hindi maikakaila ang magandang tunguhin ng pagdadamayan na ito.

May mas malalim at, batay sa mga naranasan ko nitong huling isang buwan sa pagyao ng malalapit na kamag-anak at kaibigan, mas masaklap na kahulugan ang pagdamay sa ating kultura. Ito ay ang ‘pakikiramay’. Pansinin na iisa lamang ang salitang-ugat ng pagdamay at pakikiramay, ang salitang ‘damay’. Pero may bigat ang pakikiramay sa konteksto ng ating kultura.

Sa Ingles, isinasalin natin ang pakikiramay sa salitang ‘condolences’. Nakikiramay tayo. Sa maraming pagkakataon noong wala pang pandemya, nagbibigay tayo ng abuloy at pumupunta tayo sa burol ng yumao upang damayan ang naulila. Kinakausap, pinapapayapa ang damdamin, ipinapabatid na kasama mo siya sa kasawian. Ganyan ang pakikiramay.

Nagbago ang dynamics ng pakikiramay nang sapitin natin ang trahedyang ito. Dati, nagsisikap tayong makarating sa burol at kausapin ang naulila, pero ngayon, parang kay hirap na ang ipadama ang pakikiramay. Nasasanay na lamang tayo sa pagbibigay ng mensahe sa social media. O pagtawag sa telepono dahil peligroso ang maglakbay at makihalubilo.

Ito mismong pakikiramay na ito ang labis kong ikinalungkot nang yumao ang kapatid ko mismo at hindi ko nagawang pumunta sa kinalakihan kong bayan. Wala na yatang mas sasaklap pa.

Hindi tayo binibigyan ng pagkakataong maglakbay dahil sa panganib ng salot. Dumarami angt kakilala nating nagdurusa. Wala tayong maipaabot na pakikiramay maliban sa kapirasong menahe sa social media. Malungkot. Masakit. Kaya naman hangga’t kaya, magdamayan tayo sa mumunting paraan para maibsan ang kasawian natin sa buhay.

Leave A Reply

Your email address will not be published.