Una sa Balita

Dalhin na sa Senado

By
0 576

Kung talagang may basehan at ‘probable cause’ ang reklamong ‘impeachment’ laban kay Chief Justice Ma. Lourdes Sereno, ano pa ang nagpapatagal sa Kamara para dalhin ito sa Senado?

Ang Senado naman talaga ang magdedetermina kung may sala o wala ang nahaharap sa reklamong ‘impeachment’.

Hanggang ngayon, umaasa ang House Committee on Justice na may makukuha pang mga impormasyon para sa binubuong ‘articles of impeachment’ laban sa Punong Mahistrado.

***

Ang daming isyu na dapat harapin ang Kamara ngayong 2018.

Una, ang maingay at sensitibong usapin ng Charter Change. Ang Bangsamoro Basic Law o BBL na ipinangako ni PDu30 sa Moro Islamic Liberation Front at iba pang mahahalagang lehislasyon na tinatawag na ‘priority bill’ ng administrasyong Duterte.

Sisingitan pa ng mga pagdinig ‘in aid of le­gislation’ na tiyak na eepal ang mga kongresistang eksperto sa ‘grandstanding’.

***

Related Posts

Maharlika

Bawat araw

Mangangailangan ng sapat kung hindi man ng mahabang panahon ang usapin sa pag-amyenda sa Saligang Batas para mapalitan ang porma ng gobyerno tungo sa pederalismo.

Hindi kaya dinidribol lang ng Kamara ang pagdinig sa reklamong ‘impeachment’ laban kay CJ Sereno dahil sa pangamba o takot na mabasura ang reklamo sa oras na dumating ito sa Senado, katulad ng ginawang pagbasura ng mga senador sa Constitutional Assembly na isinusulong ng mga kongresista sa pagbabago ng Konstitusyon?

Habang nagtatagal sa Kamara ang kaso ng Chief Justice, ilang house leaders naman ang sumisigaw na magbitiw na lamang sa puwesto si Sereno. Agad namang sumagot ang kampo ng Punong Mahistrado na tatapusin ng Chief Justice ang kaniyang termino.

***

Sakaling umakyat na sa Senado ang rekla­mong ‘impeachment’ laban sa Punong Mahistrado, dumalo kaya sa pagdinig ang Chief Justice?

Malamang, dahil noon pa man sa pagsisimula ng pagdinig sa Kamara, gusto ng kampo ni Sereno dalhin agad ang reklamo sa Senado.

Nakikita ng mga abogado ng Chief Justice na makakakuha sila ng patas na pagtrato sa mga senador, bagay na hindi nila nakuha, sa kanilang paniniwala, sa mga miyembro ng House committee on justice.

Makaporma kaya si Atty. Larry Gadon sa Senado?