Una sa Balita

Dalagita, nilasing bago pinulutan ng kainuman sa Bulacan

By
0 2,454

Isang mister ang nakadetine ngayon makaraang ireklamo ng panggagahasa ng isang 17-anyos na dalagitang kanyang nakainuman matapos itong malasing at makitulog sa bahay ng kaibigan kasama ang suspek sa Brgy. Sta. Cruz, Guiguinto, Bulacan kamakalawa.

Sa report ni Police Supt. Orlando Castil Jr., hepe ng Guiginto police, itinago ang biktima sa pangalang Vivian, 17-anyos, at residente rin sa bayan ng Guiguinto na nagreklamo ng kasong rape sa kainumang si Henry Sanchez, obrero, may-asawa, at nakatira sa Brgy. Malis ng nasabi ring lugar na nakapiit ngayon matapos makorner ng awtoridad.

Base sa inisyal na imbestigasyon ng women’s desk officer ng Guiginto police, naganap ang insidente matapos makipag-inuman ang dalagitang biktima sa ilang kaibigan kasama ang suspek na si Sanchez sa isang bar ngunit matapos magsara ang beerhouse ay tumuloy ang mga ito sa bahay ng kaibigan sa Brgy. Sta. Cruz.

Dito na nakitulog ang dalagita at sinasabing sinamantala ng suspek ang kayang kalasingan at kahinaan bago siya hinubaran ng pang-ibabang saplot at gahasain.

Kinabukasan ay kaagad siyang nagtungo sa himpilan ng pulisya para magreklamo laban sa suspek kaya dinakip ito ng Guiguinto police sa kanyang tinitirhan.

Itinanggi naman ng suspek ang paratang ng dalagita at ipinaliwanag na tinulungan nito ang biktima dahil nagsusuka sanhi ng labis na kala­singan.

Lumitaw sa mediko-legal examination sa biktima na wala itong bakas na ni-rape at patuloy na nakapiit ang suspek habang hindi pa tapos ang pagsisiyasat.