Una sa Balita

Dalagita na kinidnap sa Laguna, nakatakas sa QC

By
0 2,112

Isang 17-anyos na dalagita na dinukot umano sa Biñan City, Laguna ang nagawang makatakas sa kamay ng mga kidnappers nang dalhin ito sa Quezon City at puwersahang pinagtinda ng sampaguita sa kalye.

Kinilala ang biktima na si Marla Yzzabelle Sta. Clara, 17, residente ng nasabing lungsod.

Batay sa pahayag ng biktima sa Biñan police kamakalawa, bandang alas-10:00 ng umaga noong Enero 8, habang naglalakad siya sa Capinpin St., Brgy. Poblacion, Biñan City nang hintuan siya ng isang van.

Pilit umano siyang pinasakay ng tatlong hindi nakilalang lalaki at pinatakbo ang van sa hindi nito malamang direksiyon.

Nang abutin na sila ng dilim, pinababa umano siya ng mga suspek sa hindi niya malamang lugar at binigyan siya ng bulaklak ng sampaguita upang kanyang itinda.

Pinagbantaan umano siya ng mga ito na huwag tatakas dahil minamanmanan ang lahat ng kilos niya.

Nang makatiyempo, bigla umano siyang sumakay sa bus at humalo sa mga tao hanggang sa makara­ting siya sa may bahagi ng SM North Edsa.

Doon muna umano siya bumaba at kumontak sa kanyang mga kaanak na sumundo sa kanya.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga suspek na ipi­nalalagay na isang malaking sindikato.