Una sa Balita

Dalagita binurdahan ng saksak ni bayaw

0 480

Dahil sa galit ng isang lalaki sa nakipaghiwalay na misis, ang dalagitang hipag nito ang napagbalingan at pinagsasaksak sa kanilang bahay sa Padre Burgos, Quezon noong Martes nang umaga.

Apat na saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang tinamo ng biktimang si Trixia, grade 8 student mula sa bayaw na kinilalang si Ramises Mañusca, 42-anyos.

Ayon sa Quezon Police, nangyari ang insidente sa bahay na tinitirahan ng biktima sa Sitio Bahay Nayon, Barangay Walay.

Dakong alas-siyete nang umaga nang magtungo ang suspek sa bahay ng biyenan upang hanapin ang lumayas na misis subalit nang hindi makita ay naghurementado ang suspek at sinaksak ang dalagita.

Tumakas ito matapos ang krimen subalit naaresto rin ng mga nagrespondeng barangay tanod at mga pulis habang nagtatago sa isang palaisdaan.

Isinugod naman sa Quezon Medical Center sa Lucena City ang biktima at ngayon ay sumasailalim pa sa ob­serbasyon dahil sa maselang kalagayan.

Nakakulong na ang suspek sa Padre Burgos Police Station locked up cell at sasampahan ng kasong frustrated murder. (Ronilo ­Dagos)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy