Una sa Balita

DALAGANG NANGIBANG-BAHAY, KALABOSO

By
0 6

Nagdulot ng sobrang takot sa isang guro ang pagpasok sa kanilang bahay ng isang dalaga na hindi naman nila kilala sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Kung kaya hindi na nag-aksaya ng oras at agad humingi ng saklolo sa kanilang barangay ang biktima na si Luz Couial y Valdez, 48, married, te­acher, at naninirahan sa No.26-Oliva St.,Villa Florencia, Brgy.Talipapa, Novaliches ng nasabing lungsod.

Habang kasalukuyan naman nakakulong sa QCPD Novaliches Police Station 4 Detention Cell ang suspek na kinilala ni PO1 Ronald John Lanaria, imbestigador at may hawak ng nasabing kaso, na si Clarisse Pampanga y Riego, 19, single, ng Gloria V. Dulo, ng nasabi ring barangay.

Ayon sa naging pahayag ng biktima kay PO1 Lanaria, nangyari ang insidente dakong alas-siete ng gabi habang ang biktima umano ay nasa loob ng kanilang bahay at may kausap sa telepono nang bigla nalang umanong pumasok ang suspek.

Sa kabila ng pagkabigla at sobrang takot ay nagawa pa umanong tanungin ng biktima ang suspek.

“Tinanong ko siya kung paano siyang nakapasok sa bahay namin at sumagot siya na bebentahan niya lang daw ako ng mangga”, ayon sa biktima.

Dahil dito ay lalo umanong natakot ang biktima dahil wala naman umanong dalang mangga ang suspek bukod sa gabi na subalit muling nagpalusot umano ang suspek sa pagsasabing “Mag-aayos lang po ako ng basurahan”, ayon pa sa suspek.

Sa puntong ito ay lalong natakot ang guro kung kaya agad nitong tinawag ang kanyang anak na lalaki na siyang tumawag sa kanilang Barangay Public Safety Office ( BPSO ) at inaresto ang suspek at ngayon ay nahaharap sa kasong trespassing.

May hinala ang mga awtoridad na posible umanong pagnanakaw talaga ang pakay ng suspek at dahil nabuko ito kung kaya pamali-mali na ang mga sinasabi nito.