Dalagang nag-collapse sa MRT-3 patay na

By

Tuluyan nang nasawi sa pagamutan ang isang 26-anyos na dalaga matapos itong mawalan ng malay habang sakay ng Metro Rail Transit 3 (MRT-3) sa southbound lane ng Ortigas station kamakalawa ng umaga.

Base sa inilabas na ulat ng pamunuan ng Department of Transportation (DOTr) kahapon, dakong alas-9:49 ng umaga nang bigla na lang mag-collapse ang biktimang si Marielle Ann J. Mar, habang paparating sa Ortigas station kaya agad itong binuhat ng mga security guards ng MRT-3 at binigyan ng first aid hanggang sa dumating ang ambulansya.

Dinala ang walang malay na dalaga sa Victor R. Potenciano Medical Center sa Mandaluyong City upang i-revive subalit makalipas ang mahigit dalawang oras ay pumanaw na ito, idineklara ng sumuring doktor na wala nang buhay si Mar dakong alas-12:05 ng tanghali.

Samantala hindi pa malaman kung ano ang sanhi ng kamatayan ng biktima dahil tumanggi na ang mga kaanak ng biktima na isailalim ito sa awtopsiya.

Nagpaabot naman ng pakikiramay ang pamunuan ng DOTr at MRT-3 sa pamilya ng nasawing si Mar at na­ngako ang pamunuan ng tulong pinansyal para sa gastos sa ospital at pagpapalibing ng dalaga. 

SHARE