Una sa Balita

Dalaga itinumba

By
0 5

Binaril sa ulo ng hindi pa nakikilalang lalaki ang isang dalaga habang ito ay naglalakad sa may Barangay Maharlika Village sa Taguig City kamakalawa.

Namatay noon din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Janice Inano, 21, nakatira sa Apelo Cruz St., Pasay City sanhi ng isang tama ng bala sa ulo mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril.

Sa report na natanggap ng Southern Police District (SPD) mula sa Taguig City Police, alas-6:30 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa biktiima sa Maharlika Road, Brgy. Maharlika Village, Taguig.

Habang naglalakad ang biktima sa naturang lugar ay biglang sumulpot ang hindi kilalang suspek at walang salitang binaril ito sa ulo na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Matapos ang pamamaril ay mabilis itong tumakas na umano’y naglakad lamang.

Naabutan na lamang ng mga rumespondeng pulis at mga barangay tanod na duguang nakabulagtaang biktima.

Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng SPD, narekober ang isang basyo ng bala nang hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa nasabing lugar.

Sa ngayon ay iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente at inaalam din ang motibo sa ginawang pamamaslang sa biktima.