Una sa Balita

Dakilang Babaylan ng Kasaysayang Pangmadla

By
0 81

Pagkagising ko noong Lunes, nakatanggap ako ng text mula sa isang kaibigan, “Mommy died at 1:30 AM. 30 July, she was 96. Gemma.” Ang aking kaibigan ay si Ms. Gemma Cruz-Araneta, at ang kanyang ina ay si Carmen Maria Aurora Vicenta Guerrero y Francisco vda. de Cruz y vda. de Nakpil, mas kilala bilang ang peryodista at historyador na si Carmen Guerrero Nakpil, dalawang araw bago sumapit ang Buwan ng Kasaysayan na Agosto.

Dali-dali akong nag-post sa aking Facebook ng aming larawan noong Hulyo 13, 2011, isa sa kanyang huling kaarawan kasama ang mga kaibigan sa Café Havana, kung saan nagbigay ako sa kanya ng kopya ng aking papel ukol sa ‘Parisian Life’ ni Juan Luna na dating pagmamay-ari nila ng asawang si Angel Nakpil. Doon ay aking isinulat para sa kanya, “Para Doña Chitang, Gracias! Salud! Salamat sa inyong pag-aalay sa bayan!”

Sa aking post, nakiramay ako sa mga pamil­yang Cruz at Nakpil at sinabing nawalan sila ng ina pero nawalan din ang bayan ng isang pambansang kayamanan. At doon ko naisip na tawagin siyang ‘The Grand Old Lady of Public History’.

At bakit hindi? Liban sa pagiging Tagapa­ngulo ng National Historical Commission mula 1967 hanggang 1971 kung saan dinoneyt niya ang kanyang suweldo para may dagdag-pondo sa paglalathala ng mga publikasyon ukol sa buhay ng mga bayani, habambuhay niyang pinakalat ang kasaysa­yan at sariling kultura sa madla sa mga artikulo at kolum na kanyang inipon sa ilang mga aklat. Matapos niyang ilimbag ang tatlong tomo ng kanyang talambuhay na pagbabad­ya sana ng kanyang pamamaalam: Myself, Elsewhere, Legends & Adventures, at Exeunt, naglabas pa siya ng isa pa, ang Heroes and Villains. Nagpapakita ito nang kanyang habambuhay na pagmamahal sa kasaysayan.

Isinulat ko sa aking post na siya ang ta­gapagmana nina Ma­riano Ponce, José Rizal, Epifanio de los Santos at José P. Santos sa kanilang paglalapit ng kasaysayan sa bayan at naging inspirasyon ng mga sumunod sa kanya na itaguyod ang kasaysayang pangmadla sa kanyang masining na pagsulat at masinsin na pananaliksik.

Sa oras na 7:27 AM, hindi ko namalayan na ako pala ang nagbalita sa nakararami ng pagkamatay ni Ma’am Chitang. Bumuhos ang pagdadalamhati ng mga nagmamahal sa kasaysayan. At tinawag din siya ng Rappler at ng Manila Times na ‘Grand Old Lady of Public History’.