Una sa Balita

Dahil sa yakap

By
0 71

Dear Kuya Rom, 

Ako ay isang graphic designer sa Tokyo. Ang boss ko ay isang design engineer na naging kaibigan ko. Ako ay taga-Davao at siya naman ay taga-Cebu. Parehas kaming malayo sa aming pamilya. Na­ging malapit kami sa isa’t isa, kasi kailangang la­ging mag-usap kami para magawa namin nang mahusay ang aming trabaho.

Isang araw, napag-usapan namin ang aming mga pamilya. Nalaman kong ang misis niya ay may sakit na cancer, kaya napilitan siyang magtrabaho sa Japan para matustusan ang medical expenses ng kanyang asawa. Sinabi ko sa kanya, ang mister ko ay isang jeepney driver na laging wala sa bahay dahil sa kanyang hanapbuhay, at kailangan kong magtrabaho sa Japan para sa kinabukasan ng mga anak namin.

Napansin kong masarap palang kasama ang isang lalaking kaparehas ko. May parehas kaming hilig, parehas kaming makuwento, at may parehas kaming pananaw sa buhay. Siya ay magaang kasama, parang perfect kaming magsama, at pangarap ko ang mga yakap niya. Kakaiba siya sa mister ko, tahimik, ang hilig lang ay mamasada, at pag-uwi ng bahay ay matutulog na lang.

Ako at ang boss ko ay obvious na nakararamdam ng lungkot. Natutukso akong sumiping sa kanya, lalo na kapag sumasagi sa isip ko ang mister kong mas gustong matulog kaysa makipagromansa sa akin. Naiisip ko rin ang mga kuwentong napakinggan ko tungkol sa mga taong kasal pero mas maligaya sila sa piling ng iba.

Pag-uwi ko ng ‘Pinas, parang nag-iba ang tingin ko sa mister ko. Iniisip ko kung bakit ko siya pinakasalan, pero hindi ko na maalala ang dahilan. Maaaring dahil sa kanyang mga yakap. Alam kong attracted ako sa kanya noon, pero hindi na ngayon. Ngayon, pabalik na ako sa Tokyo. Anong gagawin ko? — Hilda

Dear Hilda,    

Dahil sa trabaho at pagsisikap na mapag-aral mo ang iyong mga anak, ikaw ay naging malayo sa sarili mong pamilya. Nagdulot ito sa iyo ng lungkot. Lumapit sa iyo ang tukso na maaaring papawi sa iyong kalungkutan, pero umiiwas ka, sapagkat hindi mo ito asawa.

Maaaring naiisip mo na ang boss ay bida at ang mister mo ay kontrabida. Huwag mong hayaang ang pagkakaiba ng mister mo at ng boss mo ay manlinlang sa iyo. 

Malaking tulong sa pag-iwas sa tukso ang alisin mo sa iyong isip ang mga kuwentong narinig mo tungkol sa mga taong may asawa pero maligaya sa piling ng iba. Walang matibay na basehan ang mga ito. Huwag mong hayaang gamitin ito ng diyablo para ikaw ay itulak sa pagkakasala.

Tama ang ginagawa mong pag-iwas sa tukso at pagkakasala. Gawin mo ito araw-araw, at sa bawat sandaling ikaw ay malayo sa iyong asawa. Dahil sa trabaho, hindi mo maiiwasan ang lala­king iyong kaibigan, pero maiiwasan mong huwag ninyong pag-usapan ang nadaramang kalungkutan.

Hilda, walang perpek­tong relasyon, pero sa biyaya ng Diyos, magiging matibay ang pag-iibigan ninyong mag-asawa. God bless you!

Payong kapatid, 
Kuya Rom