Una sa Balita

Dagdag COVID 19 testing centers kailangan!

0 353

Huling linggo na ng Enhanced Community Quarantine na nakatakdang tapusin sa Abril 14. Sa kabutihang palad, pinayagan na ng FDA at DOH ang paggamit sa testing kit na natuklasan ng mga siyentista ng University of the Philippines-National Institutes of Health (UP-NIH).Gamit ang pondo ng Department of Science and Technology, nakagawa ng 26,000 kits ang Manila HealthTek Inc na gagamitin sa Philippine General Hospital, Makati Medical Center, The Medical City, Vicente Sotto Memorial Medical Center, Southern Philippines Medical Center, and Baguio General Hospital simula Abril 3, 2020. Sinabi rin ng Manila HealthTek na handa silang gumawa ng kabuuang 120,000 test kits pagdating ng mga kinakailangang mga reagents.

Nauna rito, tumanggap ang pamahalaan ng Pilipinas ng 100,000 test kits mula sa China; 40,000 test kits mula sa Singapore at 50,000 test kits mula sa Jack Ma Foundation at Manny Pacquiao Foundation.

Sa pagpasok ng linggong ito, meron na tayong sapat na test kits para matukoy na ang bawat mamayahang positibo sa SARS-COV2 virus. Dati rati, ang mga pasyente lamang na may malubhang sintomas tulad ng lagnat, ubo at hirap na paghinga ang isinasailalim sa testing. Siguro dahil noong umpisa ay may 2,000 test kits lang ang available at tanging Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ang gumagawa ng testing.

Dalawandaan lamang ang kayang testing ng RITM sa isang araw. Kaya madalang ang bilang ng nakapag-testing at mahaba ang pilahan. Dahilan upang gumamit ng VIP contact ang ilan upang unahin sila sa pila. Noong nakaraang linggo, pinayagan na rin ang laboratoryo ng 4 hospital para gumawa ng testing, at tumaas ang kapasidad sa 1,000 test bawat araw. Eto ang Southern Philippines Medical Center sa Davao City, Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City, Baguio General Hospital and Medical Center, at San Lazaro Hospital sa Manila. Isinama na rin ang 3 pang labs ng UP-NIH, Western Visayas Medical Centre at Bicol Public Health Laboratory.

As of March 30, mayroon ng 15,337 tests na nagawa, ayon sa DOH. Sa huling talaan, umaabot sa 7,000+ ang listahan ng PUI (person under investigation) at PUM (persons under monitoring). Kung gugustuhin, kayang tapusin ang testing sa loob ng isang linggo lamang.

Kailangang maagap na kumilos ang DOH para pataasin ang kapasidad ng COVD-19 testing. Napakarami ng mga mapagkakatiwalaan na hospital at laboratoryo sa buong Pilipinas. Dapat ay bilisan ng DOH ang pag-accredit ng mga dagdag na laboratoryo para maramdaman ang multiplier effect bago mahuli ang lahat. Pagkatapos ng tatlong linggo ng ECQ, siguro naman ay may sapat na kaalaman ang DOH sa pagtanggap ng mga third party laboratories bilang testing centers. Nasaan na ang mga pribadong hospital at laboratoryo?

Sa paglaban sa paglaganap ng SARS-COV2 virus, importante na matukoy ang lahat ng mga positibo dahil sila ang nagkakalat ng mikrobyo. Lahat ng PUI at PUM ay dapat isailalim sa testing. Kapag na-identify at naibukod lahat ng positive mula sa ibang mamamayan, ganap na mapipigil ang paglaganap ng virus, at pagdami ng mga maysakit. At matutuon ang sakripisyo ng mga healthworkers sa pag-aalaga sa mga maysakit. Eto dapat ang pinagtutuonan ng laban kontra sa COVID-19.

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More