Una sa Balita

Dagdag allowance ng mga atleta, iginiit ni Angara

By
0 83

ISINUSULONG ni Senador Sonny Angara ang pagbibigay ng dagdag na allowance sa mga atleta upang mas mapalakas ang kanilang kapabilidad gayundin ang pagpapaganda ng sports facilities sa bansa.

“Matapos nating palakihin ang insentibo ng mga nananalong atleta, dapat ay siguruhin din natin na may sapat na allowance ang lahat ng national athletes. We should provide them with enough support and assistance to help them develop their potential and empower them to win,” sabi ni Angara.

Ito ay makaraang mapakinggan ang hinaing ng mga Asian Games medalist sa budget hearing ng Philippine Sports Commission (PSC) kamakalawa.

Sa ngayon, nasa 887 ang national athletes, kung saan 456 ang kabilang sa training pool na tumatanggap ng P10,200 monthly allowance.

Walo ang ‘Platinum’ athletes kabilang na ang weightlifter na si Asiad gold medalist at Rio Olympian silver medalist Hidilyn Diaz, na tumatanggap ng P45,000 monthly allowance.

“Kasama na sa allowance na ito ang para sa pagkain at tirahan nila, panggastos sa school, at pambili ng mga gamit nila sa sports. Marami rin sa kanila, ipinadadala sa kani-kanilang pamilya ang nakukuha nilang allowance,” paliwanag ni Angara.

Ipinunto naman ng isa pang Asiad gold medalist na si Margielyn Didal ang kakula­ngan ng training centers habang ang bronze medallist na si Junna Tsukii ay pinuna ang maruming pasilidad ng PhilSports Complex.

Dahil dito, nanawagan si Angara sa PSC na madaliin ang P1 billion rehabilitation ng sports facilities partikular ang Rizal Memorial Sports Complex at PhilSports Complex.