Una sa Balita

Dadalhin ko kayo sa impiyerno!

By
0 1

Ito ang pagbabanta ni Philippine National Police (PNP) chief Dir. Gen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa sa mga pulis na nagre-recycle ng mga nakumpiskang kontrabando.

Sa kanyang pagbisita sa Camp Vicente Lim sa Calamba, Laguna bilang bahagi ng 115th Anibersaryo ng Police Service kahapon, sinabi ni Dela Rosa na kasangga siya ng mga matitinong pulis hanggang sa huli pero hindi ng mga tiwaling parak.

“Hindi ko kayo sasamahan, pero ihahatid ko lang kayo sa impiyerno,” mensahe ni Bato sa mga tinaguriang ‘ninja cops’. “Hanggang doon na lang.”

Sinabi rin ni Dela Rosa na sampal sa kanya ang Senate hearing dahil sa akusasyon kontra ilang miyembro ng Antipolo police na sangkot umano sa ilegal na droga.

Gayunman, tuloy aniya ang kanilang kampanya laban sa ilegal na droga dahil sa mandato nila na ‘to serve and to protect’.

Malaki ang tiwala ni Dela Rosa na may patutunguhan ang pagdinig ng Senado kaugnay sa extrajudicial killings.

Aniya, masaya sila sa mga panukalang batas na nais isulong ng ilang senador na pakikinabangan ng mga pulis.

Isa sa tinukoy ang pagbabalik kontrol o pa­ngangasiwa sa mga police training institution ng PNP tulad ng PNPA at PMA na ngayon ay pinatatakbo ng Philippine Safety College.

Isa pa ay makatutulong din sa PNP ayon kay Dela Rosa kung maam­yendahan ang wiretapping law na planong ipa-exempt sa batas ang police operations kontra illegal drugs.