Una sa Balita

Dadaing ang mga mahilig sa daing

0 326

Mukhang aalatin ang mga kababayan natin na mahilig sa mga maalat na pagkain tulad ng daing at tuyo kapag natuloy ang plano ng Department of Health (DOH) na buwisan ang mga maaalat na produkto.

Simple lang ang dahilan ng DOH, nakapagdudulot ng masamang epekto sa katawan ang labis na konsumo ng alat o asin sa katawan. At isa ang ‘bato’ o kidney sa mga tinatamaan kapag sobra-sobra ang tsibog ng pagkaing maaalat.

Pero hindi lang naman ang maaalat na pagkain ang nakasisira sa bato dahil kasama diyan ang komplikasyon ng iba pang sakit tulad ng diabetes na makukuha naman sa matatamis na pagkain, at hypertension na puwedeng makuha sa mamantikang tsibog.

Siyempre, dagdag din sa mga dahilan ng sakit ang labis na bisyo tulad ng toma at yosi, at samahan pa ng puyat. Karamihan mga tsong sa mga nabanggit na dahilan ng pagkakaroon ng sakit eh nabuwisan na o tinaas pa ang buwis. Gaya ng mga matatamis na produkto na nilagyan na rin ng buwis, tinaasan naman ang buwis ng yosi, at tataasan pa ang alak.

Kaya naman daw pinag-aaralan na rin ng DOH na patawan ng buwis ang maaalat na produkto — at posibleng makasama rito ang mga daing at tuyo. Kapag nagkataon, malamang sapul din ang patis at toyo, bagoong, instant noodles, mga chitchirya na mataas ang sodium. Eh ang asin kaya mismo, buwisan din kaya tulad ng iodized salt? Eh ang itlog na maalat kaya ni manong sa Pateros?

Pero ngayon pa lang, may mga tsokaran na tayong pumapalag sa plano. Kasi nga naman, marami sa mga kababayan nating hikahos ang nagtitiyagang mag-ulam ng mga nabanggit nating produkto. Hindi ba’t uso sa mga mahihirap ang salitang nagdidildil ng asin? Ang iba, patis o bagoong lang, talo-talo na sa kanin. Kung may konting badget, puwede na ang tuyo o daing.

Ano nga ba ang plano ng DOH, nais ba nilang tumigil ang mga Pinoy na kumain ng maaalat? Kapag ganu’n ang plano nila, aba’y baka maging presyong pang-mayaman ang mga daing, tuyo, patis, toyo at iba pa para hindi na maabot ng karaniwang tao. Hindi ba’t ganu’n ang plano nila sa sigarilyo, ang pamahalin ang presyo para tumigil na sa pagsusunog ng baga ang mga tao?

Ang kaso, marami pa rin ang tuloy sa pagyo­yosi at ang iba naman ay lumipat sa vape. Ngayon, plano rin ng DOH na kung hindi mai-regulate ang paggamit ng vape, eh tuluyang ipagbawal na lang ito dahil daw sa sakit na naidudulot nito sa tao.

Sabagay, may mga ulat at pag-aaral sa Amerika na nagsasaad tungkol sa masamang epekto ng vape chemicals sa baga ng tao. Hindi lang natin alam kung ganito rin ang sitwasyon nito sa Pilipinas, o baka nagkakaroon lang ng ‘psywar’ sa pagitan ng industriya ng tobacco at vape. Baka naman may malalaking kompanya na gumagawa ng sigaril­yo ang unti-unti na ring lumilipat sa vape kaya naglalabasan ang mga hindi magagandang balita sa vape.

Tungkol sa maaalat na produkto, batid ng Department of Trade and Industry na maraming tatamaan kapag binuwisan ang mga pagkain kaya dapat daw ay maghinay-hinay at pag-aralang mabuti ang usapin. At kung bubuwisan naman, dapat ay hindi raw sa antas na nais mo nang patigilin ang tao na kumain.

Sabagay, malaking pondo talaga o budget ng gobyerno ang napupunta sa pag-aayuda sa mga sakit na nakukuha sa bisyo at labis na konsumo ng mga matatamis at maaalat. Pero kung kailangan talaga ng gobyerno ng buwis, bakit hindi na lang buwisan din ang vape? Hirit ng ating kurimaw, pagkatapos ng matatamis at maaalat, isunod na nila ang mga ‘ampalaya’ o bitter na tao para mabawasan daw ang mga hindi maka-move on. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy