Una sa Balita

Daang tama

By
0 274

STRIKE SA SERBISYO
()
Ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS), 75% ng mga Pilipino ay naniniwalang tinatahak ng bansa ang daang tama at patungo ito sa tamang direksyon.

Mas mataas ito ng 5% sa 70% na naitala noong Hunyo, dulot ng pagtaas sa lahat ng rehiyon, pinakamataas sa Metro Manila kung saan nakapagtala ng 8% increase mula sa 57% sa ngayo’y 65%. Sa Mindanao naman makikita ang pinakamalaking paniniwala na umabot sa 89%.

Halos kasabay ng paglabas ng resulta ng nasabing survey, ibinalita naman ang pagtalon ng Pilipinas ng 12 puntos sa Global Competitiveness Report ng World Economic Forum (WEF).

Sa kabuuang 140 na bansa, nasa ika-56 posisyon ang Pilipinas ngayong taon mula sa ika-68 noong 2017. Ayon naman sa Global Gender Gap Index ng WEF, nangunguna ang bansa sa buong Asya sa pagiging Gender Equal.

Nakakatuwang makita na nagbubunga ang ating mga kapwa pagsisikap para ituwid ang landas na tinatahak ng Pilipinas. Sa kabila kasi ng mga kritisismo at ingay politika bunga ng ating masiglang demokrasya, tuloy ang pag-usad ng bansa na kinikilala mismo ng mga mamamayan.

Kapuna-puna na sa Economic Class D at E mayroong pinakamalaking paniniwala na tayo ay nasa daang tama; ito ay sa kabila ng mga kontrobersiyal na isyu na pinagpipiyestahan ng mga kritiko tulad ng TRAIN Law, inflation, presyo ng krudo at gasolina, Martial Law sa Minda­nao, at ang patuloy na giyera kontra droga.

Kung ang mga kritiko kasi ang panininiwalaan, isinusuka na raw ng mahihirap ang kasulukuyang pamahalaan at ubos na ang kanilang pasensiya at tiwala. Nang dahil sa survey, tila napasinungalingan yata ito at kabaliktaran pala ang katotohanan.

Kung titingnan ka­sing mabuti ang survey, 9 sa 10 taga-Mindanao ay naniniwala na nasa tamang direksyon ang bansa, kahulugan na sila’y naniniwalang tama ang Martial Law doon. Tatlo kada apat na Filipino sa buong bansa naman ang nagsabi ng kapareho, kahulugan na naniniwala silang tama ang ginagawa ng pamahalaan.

Sa panahong ito, at mga panahon pang darating, mahalagang maging mapanuri ang lahat.

Sabi nga sa Ingles, we need to learn to rise above the noise. Maha­laga nga sa demokrasya ang malayang palitan ng mga ideya, kuro-kuro at paninindigan, ngunit ang kaakibat nitong ingay ang kadalasang pumipigil sa ating pag-usad. Kailangan lang na maisantabi ang ingay at tutukan ang katotohanan.

Bilang bahagi ng pamahalaan, patuloy naman kaming magsisikap para lalo pang iangat ang antas ng pamumuhay ng bawat Filipino.

Ang Kongreso ay patuloy na lililok at kakatha ng mga batas para sa kapakanan at ikabubuti ng lahat.
Sa patuloy ng pagtutulungan, tuloy-tuloy nawa ang pagsulong ng bansa. ‘Yan ay sa kabila ng iilan na pinipiling humadlang.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy