Daang Libo Nagpulasan Kay ‘Tisoy’
Higit sa daang libong katao ang inilikas ng kanilang tahanan upang iwasan ang hagupit ng bagyong ‘Tisoy’ na unang tatama sa kalupaan ng Bicol region bago tuhugin ang ibang bahagi ng Luzon.
Linggo pa lamang ay higit 100,000 residente na ng lalawigan ng Albay ang inilikas patungo sa mga ligtas na lugar dahil sa banta ng pagbaha at posibleng pagragasa ng lahar mula sa bulkang Mayon.
Inaasahan ang malakas na ulan at hangin na maaaring magdulot ng pinsala sa loob ng susunod na 24 oras kasunod ng pag-landfall ng bagyong ‘Tisoy’.
Sa pinakahuling forecast ng Pagasa ay babayuhin ng malalakas na hangin at ulan ang Northern Samar ilang oras bago ang inaasahang landfall ng bagyo, ang eyewall ng bagyo ay tatama din sa Sorsogon, Albay, Catanduanes at Camarines Sur.
Sa Albay at Sorsogon area ang inaasahang landfall ng bagyo sa Lunes ng gabi o Martes ng madaling-araw.
Sa magdamag umano hanggang Martes ng umaga ay magkakaroon ng tuloy-tuloy at malakas na ulan sa Bicol Region, Northern Samar, Southern Quezon, Marinduque at Romblon.
Makakaranas din ng tuloy-tuloy na pag-uulan sa Samar, Eastern Samar, Rizal, Laguna, Oriental Mindoro, Metro Manila, Occidental Mindoro, CALABARZON, Cagayan, Isabela, Aurora at Eastern Visayas.
Ang mga residente na naninirahan sa mga flood prone area at malapit sa mga bundok ay agad nang pinalilikas kasunod ng mataas na banta ng pagbaha at landslide.
Related Posts
Magkakaroon din ng storm surge na may taas na 3 metro sa Catanduanes, Camarines Norte, Camarines Sur, Batangas, Quezon, Albay at Marinduque kaya pinaiiwas na magtungo sa mga dalampasigan at ipinagbabawal ang paglalakbay ng anumang uri ng sasakyang pandagat.
Ang bagyo ay namataan 155 km East ng Juban, Sorsogon, mas lumakas ito sa 155kph na lakas ng hangin at bugso na 190kph, kumikilos sa bilis na 15kph kahapon nang hapon.
Nakataas ang Signal No. 3 sa Catanduanes, Camarines Sur, Albay, Sorsogon, Camarines Norte, Masbate kasama ang Ticao at Burias Islands, Romblon, at southern portion of Quezon, Marinduque, Northern, Eastern at Western Samar.
Ang Signal No. 2 ay nakataas sa Metro Manila, Bulacan, Bataan, Tarlac, Pampanga, Nueva Ecija, southern Aurora, Cavite, Batangas, Laguna, Rizal, ibang bahagi ng Quezon kabilang ang Polillo Islands, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Calamian Islands, Zambales Rest of Eastern Samar, rest of Samar, Biliran, Aklan, Capiz, Antique, Iloilo, northern portion of Negros Occidental, Northern Cebu, northern portion ng Leyte at Guimaras
Sa forecast track ng Pagasa ay kritikal ang susunod na 24 oras sa bagyong ‘Tisoy’, asahan ang malalakas na pag-uulan at malakas na hangin.
Nakabantay ang Malacañang sa mga lugar na inaasahang tatamaan ng bagyong ‘Tisoy’ partikular sa Bicol region.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na nasa stand-by mode ang mga ahensiyang may kinalaman sa disaster and relief operations para sa maagap na pag-alalay sa mga lugar na maapektuhan ng bagyong ‘Tisoy’.
Tiniyak din Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na nakaalerto sila sa pananalasa ng bagyong Tisoy sa Metro Manila.
Mayroong 61 pumping station sa buong Metro Manila at malaki ang maitutulong nito para maibsan ang matinding pagbaha. (Tina Mendoza/Aileen Taliping/Armida Rico)