Una sa Balita

My cup of tea (11)

By
0 513

Ika-9 na labas

“Okay fine, Jaime, you’re my cup of tea…”

“T-talaga?”

“Yes, you’re my cup of tea, BUT I don’t drink tea. Look, may ibinigay sa akin si Miguel na isang box ng chocolate drink, maraming sakit raw ang nilalabanan nito plus favorite ko talaga ang chocolate flavor.”

“Talaga ba?” kuwestiyunableng tiningnan ni Jaime si Miguel.

“Yes Jaime, at hindi lang nito basta nilalabanan ang mga sakit kundi nag-e-enhance din ito ng brain, you can try it if you want, bibigyan rin kita pagbalik ko.” Ani Miguel.

“Anong akala mo sa akin, walang brain? At babalik ka pa talaga dito?” naiirita ng tanong ng binata.

“I didn’t mean anything, may problema ba?” tanong din ni Miguel.

“Wala naman, kasi sana pagbalik mo damihan mo ‘yung ibibigay mo sa’king chocolate drink para naman may pangbenta ako.” Idinaan na lang ni Jaime ang pagkairita sa biro.

Lumapit si Julie dala ang dalawang baso ng juice sa tray.

Nauna nang kumuha ng juice si Jaime at agad itong ininom.

Habang si Miguel ay kinuha ang baso ng juice at iniabot kay Jhona.

“This is for you.”

“Ha? …”

Natigilan si Jaime, tila naisahan siya ni Miguel sa sweetness nito. Lalo na nang tanggapin ni Jhona ang juice.

“Wait!” pigil ni Jaime nang iinumin na ng dalaga ang juice.

“Bakit?” sabay na tanong nina Jhona at Miguel.

“Kaya nga nagmamadali akong inumin ang juice ko at ‘yung isa para kay Miguel, kasi ‘di bale nang kaming dalawa ang magkasakit ‘wag lang ikaw, dahil alam mo ba na ang juice ay mataas sa calories at asukal, kahit pa hindi ito masyadong matamis?”

“T-talaga?” kunwa’y di makapaniwala si Jhona.

“Talagang-talaga, nabasa ko ‘yan sa google! Kaya buti pa, tubig ka na lang!”
Tinawag ni Jaime si Julie.

“Julie, pakisuyo naman ng isang basong tubig para sa ate mo.” Utos ng binata.
Natatawa namang sumunod si Julie.

“Okay, you’re right, pero hindi naman masama kung minsan ka lang iinom.” Ani Miguel na ang pakiramdam ay naisahan din siya ni Jaime.

“Mabuti na ‘yung nag-iingat Miguel. Dapat nating pag-ingatan ‘yung mga taong mahal natin sa buhay, right?” hirit pa ni Jaime.

“Okay.” Sumang-ayon na lang si Miguel.

Deep inside naman ay ikinatutuwa ni Jhona ang pakikipagkumpetensya ni Jaime kay Miguel.

“Ahm, Jhona, I hope you like the roses.” Si Miguel.

“Oo naman, ang ganda kaya, mukhang special!”

Agad namang pinagana ni Jaime ang isip kung paano maipagmamalaki ang bougainvillea niya.

“Ahm Jhona, sana magustuhan mo rin ‘yung pinitas kong bonggavilla, kasi hindi lang ito basta magandang bulaklak kundi marami rin itong benepisyo…”

“Ha, talaga? Ano naman?”

Saglit na hinalungkat ni Jaime sa isip niya ang mga nabasa sa libro kamakailan lang.

“A, ano… a … ‘yung dahon nito ay ano… gamot sa pagtatae, sa ubo, sa lalamunan, saka ano, pinanggagamot din ito sa diabetes, tapos ‘yung stem naman sa hepatitis.” Nananalangin si Jaime na sana ay ‘wag nang itanong ni Jhona kung paano ito ginagamit bilang gamot dahil hindi na niya alam ang isasagot niya.

Related Posts

“Gano’n ba… ngayon ko lang nalaman na meron ka din palang alam, so… paano naman ito ipinanggagamot?”

Napalunok si Jaime. Pero isinalba siya ni Miguel.

“Just like other flowers like rose, marami din itong benepisyo sa health, and also the process are just the same.”

Naputol ang pagsasalita ni Miguel nang bumungad sa pintuan ang mga magulang ng dalaga. Pareho sila ni Jaime na nagbigay galang sa mga ito matapos magmano ng magkapatid na Jhona at Julie.

Maya-maya ay nagpaalam na rin si Miguel. Naiwan pa si Jaime.

“O Jaime, hindi ka pa ba uuwi?” Tanong ni Jhona.

“Uuwi na rin, pero bago ko umuwi gusto ko lang ipaalala sa’yo na ‘wag mong kalimutang uminom ng tsaa.”

Natawa si Jhona.

“Oo na, oo na.”

“Kasi nakakapaglinis ito ng puso,inaalis nito ang mga nakabara sa ugat na dulot ng mga cholesterol.”

“Oo na nga.” Nakukulitang sabi ni Jhona.

“At sana kapag nalinis na ng tsaa ang puso mo, sana makita mo nang malinaw kung sino talaga ang nilalaman niyan… ‘yung lalaking gusto mong mahalin o ‘yung lalaki na dati ka nang minamahal.” Pagkasabi niyon ay umalis na rin sa wakas si Jaime.

Naiwan namang pinag-iisipan ni Jhona ang sinabi nito.

Hindi magkandaugaga si Julie sa panunukso sa ate niya nang nakahiga na sila sa magkahiwalay na papag sa loob ng iisang kuwarto.

“Uy ate sino ba talaga sa dalawa?”

“Obvious ba?”

“P’wede ba si Jaime na lang ang piliin mo para naman mabaling sa akin ang pag-ibig ni Miguel!” biro ni Julie.

“Asa ka! Ayoko sa oppa boy na ‘yon…”

“Hmpf! ‘Wag kang magsalita ng tapos, baka sooner or later kainin mo ang sinabi mo.”

“Ewan ko sa’yo.”

“Kailan mo naman balak sagutin si Miguel?”

Napabalikwas si Jhona.

“Sagutin agad kakaumpisa pa lang manligaw?”

“Ikaw rin baka magbago ang isip o kaya masulot ng iba.”

“Hindi ako natatakot. Sasagutin ko siya kapag 100% sure na ako!”
“So ibig sabihin may pag-asa pa pala si Jaime?”

Sa halip na sumagot ay pabirong hinampas na lang ni Jhona ng unan ang kapatid.

Wala namang balak sumuko si Jaime. Kung dati ay masigasig siyang mag-abang kay Jhona sa kanto, ngayon ay doble pa ang pagnanais niya na maipakita rito ang sinseridad niya sa panliligaw.

Siguro dahil dati ay puro ka-level lang niya ang mga suitors ni Jhona, hindi tulad ngayon na may isang Miguel na mayaman na, gwapo pa! Tagilid ang laban niya kaya kailangan niyang sumagwan nang doble bago pa siya nito maunahan.

Umaga.

Itinabi ni Jhona sa cabinet ang isang box ng tsaa na ibinigay ni Jaime habang ang chocolate energy drink na galing kay Miguel ang siya niyang itinimpla.

“Hmmm, ang sarap, lasang-lasa ang tsokolate!” anang dalaga.

Matapos uminom nito ay naligo na si Jhona at pagkatapos ay inayos na ang sarili para sa pagpunta sa palengke.

Nang nasa palengke na ang dalaga ay nakaramdam siya ng pananakit ng tiyan. (Itutuloy)