Una sa Balita

My cup of tea (11)

By
0 514

Ika-5 na labas

“‘Wag kang mag-alala, titirhan kita, hayaan mo lang muna na makapagbenta ako.”
Ngumiti na si Jaime. Kinuha ang isang kamay ni Jhona bago muling nagsalita.
“Isa ka talagang anghel na hulog ng langit sa’kin…”

Agad namang binawi ni Jhona ang kamay.
“Gusto mo ikaw ang ihulog ko? Tsupi na!”
Lumabas na ng bahay si Jaime.

Subalit paglabas ng bahay ni Jhona ay naroon lang pala ang binata sa labas at tila naghihintay sa kanya.
“O ba’t nandito ka pa?” kunot noong tanong ng dalaga.

“Wala lang, gusto sana kita samahan sa paglalako para naman makabawi ako sa’yo sa ipapautang mo sa amin mamaya?”
“‘Wag mo ng isipin ‘yon, mas gusto kong mag-isa lang akong maglako.”

“Sige na naman please, promise hindi kita kukulitin, isi-zipper ko ang bibig ko, basta sasamahan lang kita.”
“Gusto mo ba talaga?”

“Oo naman! Gustung-gusto kita! Ang ibig kong sabihin gustung-gusto kitang tulungan maglako!”
Padabog na iniabot ni Jhona kay Jaime ang mga gulay na nasa malaking basket, pati ang nasa bilao.

“O, ayan, bitbitin mo, tapos sumigaw ka ng gulay, gulay kayo diyan!”
“J-Jhona, my love, pwede bang ikaw na ang sumigaw, isi-zipper ko nga ang bibig ko ‘di ba?”

“Mamaya mo na i-zipper. Sisigaw ka o maglaho ka sa paningin ko?”
“GULAY, GULAY KAYO DIYAN!” sabay lakad at sigaw ni Jaime.
Naiiling namang natatawa si Jhona.

Sinuwerte naman sila ng araw na ‘yon dahil marami agad silang nabenta.
Habang naglalakad sa daan…
“O kita mo naman Jhona ha, mukhang ako talaga ang lucky charm mo.”
“O ngayon?”

“E ‘di isama mo na lagi ako sa pagtitinda ng mga gulay!”
“Tapos ano?”
“Tapos…e ‘di…”

“E ‘di kailangan na kitang swelduhan? Ano ginawa mo pang trabaho ang trabaho ko na?”
Napakamot sa ulo si Jaime.
“Ito naman, syempre hindi naman gano’n, kung bukal sa loob mo e ‘di bigyan mo ko, kung ayaw mo e ‘di wag mo.”

“ANO?”
“Joke lang, ‘to naman ‘di na mabiro, ang gusto ko lang naman talaga ay ang makasama ka.”

Bubuweltahan pa sana ni Jhona si Jaime nang magulat sila sa pagbusina ng isang kotse mula sa likuran.
Si Miguel.

“Hi Jhona!”
“Miguel!”
Napasimangot si Jaime.

Related Posts

Inihinto ni Miguel ang kotse sa gilid ng kalsada at bumaba.
“Konti na lang pala ‘yang tinda mo, bibilhin ko na!”
“Ha? Talaga?”

“Yeah!”
Bumulong si Jaime sa dalaga.
“Jhona, ‘yung pang-ulam namin ni nanang…”
“Oo, alam ko.” Pabulong din na tugon ng dalaga.

Bumaling si Jhona kay Miguel.
“Ahm Miguel salamat na lang ha, kasi meron ng may-ari nitong natira.”
“Gano’n ba? So pauwi na kayo niyan?”

“Oo.”
“Tara hatid ko na kayo.”
“Ha?”
Hinawakan ni Jaime si Jhona sa braso at mu­ling binulungan.

“Jhona, ‘wag mong sabihing sasakay ka pa sa kotse e ang lapit na lapit na natin sa inyo?”
“Manahimik ka nga diyan, masakit na rin kaya ang mga paa ko kakalakad.”
Walang nagawa si Jaime kundi makisakay na lang din. Nauna pa.

“O, kala ko ba ayaw mo?” nang-aasar na tanong ni Jhona.
“Ayaw ko, pero hindi kita hahayaang sumama mag-isa sa mokong na’yan, baka kung saan ka pa dalhin niyan.”

Hindi pinansin ni Jhona ang sinabi nito sa halip ay sumakay na rin ito sa unahan sa tabi ni Miguel na nasa manibela na.
“Miguel, salamat ha.”
“You’re welcome Jhona.”

Habang nasa loob ng magarang kotse ni Miguel ay nagkukukot ang loob ni Jaime sa back seat. Lalo na at nakikita niyang napapangiti ni Miguel si Jhona sa simpleng kuwentuhan lang ng mga ito.

Sa loob-loob niya, “Sige lang, oras mo ngayong mokong ka, ‘pag dumating ang oras ko hindi mo na makukuhang ngumiti dahil hindi kita pasisingitin!”

Pagdating sa bahay nila Jhona ay abot langit ang ngiting nagpasalamat at nagpaalam kay Miguel ang dalaga.
Nang makaalis si Miguel ay inis na muling umentra si Jaime.

“Jhona, ‘wag mong sabihing type mo ang mestisong hilaw na ‘yon?”
“Pumayag lang magpahatid type na agad?”
“E pa’no kasi ‘yung mga ngiti mo sa kanya iba sa mga ngiti mo sa’kin eh…”
“Bakit kelan ba kita nginitian?”

“Oo nga pala, ang sungit mo nga pala sa’kin.”
Iniabot na ni Jhona ang natirang repolyo at kalabasa kay Jaime.
“O ayan na ang gulay mo, umalis ka na.”

“Teka, sa mokong na ‘yon panay ang pasa­lamat mo hinatid lang tayo dito na ilang ikot lang naman ng gulong ng kotse, samantalang ako na sinamahan ka sa paglalakad ng malayo e basta mo na lang paaalisin?” hirit ni Jaime.

Nameywang ang dalaga.
“Aalis ka na ba o babawiin ko ‘yang mga gulay mo?”
“Aalis na nga, sige babay na!”

Nang makaalis na si Jaime ay pinagtawanan ni Julie ang ate niya.
“Wow Ate Jhona, GGSS!”
“Anong ggss?”

“Gandang-ganda sa sarili!”
“Heh! Bakit ba?”
“E pa’no ang tearts mo, dalawa na naghatid sa’yo ang sungit mo pa!”
“Ano naman yung tearts?”

“Maarte!”
“Tumigil ka na nga diyan baka ma-SK kita!”
“Ano ‘yon?” (Itutuloy)