Una sa Balita

My cup of tea (11)

By
0 583

Ika-4 na labas

“Aba, ang mokong na ‘yon mukhang susulutin pa sa akin si Jhona!” napapailing na kausap ni Jaime sa sarili habang hawak ang cellphone at taas ang pang nakahiga sa sofa.

“Kailangan kong paspasan ang panliligaw ko kay Jhona bago pa ‘ko maunahan ng mokong na’to!”

Agad siyang nag-pm sa dalaga.

“Good evening beautiful!”
Seen mode.

“Nu gawa u?”

Seen mode ulit.

“Alam ko pagod ka kakapanood sa paggawa ko ng car kanina kaya pahinga ka na.”
Seen mode pa rin.

“Good night, yab u, muah muah!”

Seen mode lang talaga.

Nag-out na si Jhona.

Kaya nag-out na rin si Jaime.

“Di bale, pasasaan ba’t mamahalin mo rin ako, ‘pag may tiyaga may biyaya…at ikaw ang pinakamalaking biyayang tatanggapin ko ng buong-buo sa buhay ko…”

Umaga. Tila nakikipagpatintero si Jhona sa pag-iwas kay Jaime. Kahit saan kasi siya dumaan ay sa kanto pa ring iyon ang bagsak niya kung saan tambay mode lagi ang binata at inaabangan siya.

“Jhona, hatid na kita sa palengke.”

“Bakit, hindi ka na ba kuntento sa pag-aabang mo sa ‘kin dito sa kanto?”

“Hindi ako makukuntento hangga’t hindi mo ako sinasagot.”

“Pwes makuntento ka na, dahil malapit na akong magka-boyfriend!”

“T-talaga?”

“Talagang talaga!”

“I-ibig mong sabihin m-malapit mo na akong sagutin?”

Napakunot ang noo ni Jhona.

“In your dreams, sino may sabi sa’yong ikaw ang future bf ko?”

Biglang na-disappoint si Jaime at naalala si Miguel.

“Sino bang ipinagmamalaki mo, ang Miguel na ‘yon?”
Natigilan si Jhona.

“Ba’t naman napasok dito si Miguel?”

“So kung hindi si Miguel, malamang ako na ‘yon!”

“Ewan ko sa’yo!” inis na pumara ng jeep si Jhona.

Pagsakay niya ay sumakay din si Jaime.

“Nababaliw ka na ba?”

“Ihahatid nga kita ‘di ba?”

“Pumayag ba ‘ko?”

Umiling ang binata.

Sabay para ulit ni Jhona para bumaba.

“Diyan na lang din ho ako sa tabi!” para din ni Jaime.

“Hoy kung maghahabulan lang kayo, taxi ang parahin nyo, ke aga-aga binubwisit n’yo ang pasada ko!” inis na sigaw ng jeepney driver.

“Ikaw kasi eh, hindi pa nga tayo nagbabayad pumara ka na, ang layo pa ng palengke oh!” si Jaime.

“Pwede ba Jaime lubayan mo na ‘ko?” asar talong sigaw ni Jhona.

“Iyan ba talaga ang gusto mo?”

“OO capital O and O!”

“Oo na, sige na, lulubayan na kita…” nakayukong lumakad palayo si Jaime.

Related Posts

Tila nakaramdam naman ng awa si Jhona.

Pero agad ding pumihit pabalik ang binata.

“Ano na naman?” inis na tanong ng dalaga.

“P-pwede bang makautang ng pamasahe pabalik, medyo malayo-layo na rin kasi…” nahihiyang sabi nito.

Inis na dumukot ng otso pesos si Jhona at galit na ibinigay sa binata.

“O ayan ang pamasahe, tapos magpakalyo-layo ka na pwede?”

“Salamat sa otso pesos ha, mukhang sobrang layo na nga ng mararating ko nito…”

Hindi alam ni Jhona kung maiinis o matatawa na lang siya sa binata. Ang lakas ng loob na ihatid siya kuno sa palengke e ni wala palang pamasahe!

Dahil friends na sina Jhona at Miguel sa facebook kaya naman naging madaling tuntungan ito para sa pamumukadkad ng isang bagong pagkakaibigan.
“How are you?” pm ni Miguel.

“I’m fine. Maya-maya lang ilalako ko na yung mga gulay namin.” Tugon ni Jhona.

“Sipag naman.”

“Kailangan eh.”

“Buy ko na lang kaya lahat ‘yan?”

“What???”

“Then let’s have a dinner tonight, what do you think?”

“I don’t think so, may klase pa kasi ako mamayang gabi.”

“Really?”

“Yes.”

“That’s great!”

“Thanks.”

Doon natapos ang chatting ng dalawa sa facebook. Nakangiting inilapag ni Jhona ang cellphone sa tokador at inihanda ang mga gulay na ilalako.

Pasimple sanang dadamputin ni Julie ang cellphone nang makita siya ni Jhona.

“Huy, bawal ‘yan!”

“Tsuri naman, makiki-FB lang sana ko eh.”

“Magload ka at gamitin mo ang sarili mong cp.”

Ilang katok sa pintuan ang nagpalingon sa dalawa. Si Julie ang nagbukas ng pinto.

“O, Jaime anong ginagawa mo rito?”

“Ang ate mo nandyan pa ba?”

“Oo, bakit?”

“Baka naman gusto mo muna akong patuluyin?”

“Bakit nga muna, bibili ka ba ng gulay?”

“Hindi. Uutang sana ko, wala kaming ulam ni nanang ko mamayang gabi eh.”

“Naku naman!”

Pinapasok ni Julie si Jaime at ipinasa sa ate niya.

“Ano ka ba naman Jaime maglalako pa nga lang ako, wala pang buenamano utang agad?” si Jhona.

“E pasensya na, kasi na-delay yung sahod ko..”

“Sahod? Bakit may trabaho ka na ba?”

“Wala pa.”

“E saan ka sasahod?”

“Inutusan kasi ako ng tiyo ko na maghatid ng sasakyan sa kabilang bayan, kaya may sahod ako sa kanya ng isang araw, kaso delay pa eh, hindi pa niya binigay.”

“Hmp! Puro ka kalokohan. O sige ganito na lang, ihahatid ko na lang ang gulay sa inyo mamaya pagkatapos kong maglako.”

“Ha? E paano ‘pag naubos na?” (Itutuloy)