Una sa Balita

My cup of tea (11)

By
0 515

Ika-11 na labas

“E pa’no ang slow slow mo! Ang ibig kong sabihing plano ay plano sa buhay, kung puro tsaa ang ibibigay mo sa kanya sa tingin mo magagayuma mo siya? Ang kailangan mong gawin ipakita mo sa kanya na nagsisikap ka na sa buhay, ang tatay mo dinaan man ako sa tsaa noon eh kasabay naman no’n ang pagpupursige niya sa trabaho, ‘yung tsaa ay parte lang ng pagiging thoughtful niya sa akin, dyuskong bata ere kahinang umintindi!”

“Ba’t ngayon n’yo lang sinabi ‘nay, tungkol lang naman po sa tsaa ang kinuwento n’yo sa’kin eh!”

“Aba’t!” babatukan sana ulit ni Aling Mileng ang anak pero napigilan na niya ang sarili.

Patuloy ang panunuyo ni Miguel kay Jhona. Halos araw-araw ay pinapadalhan niya ito ng bulaklak. Pero hindi nagpapatalo si Jaime, halos araw-araw ay hinahatiran niya ng tsaa si Jhona at palagi pa rin niya itong sinasabayan sa daan tuwing pupunta at darating galing sa palengke at maging sa panggabing eskwela nito.

Hanggang isang gabi na inabangan niya ito sa kanto mula sa klase nito.

Pababa na ang dalaga mula sa sinakyang jeep nang biglang may humablot ng bag nito. Kitang-kita iyon ni Jaime kaya patakbo niyang nilapitan si Jhona.

“Okay ka lang ba?”

“Tinatanong mo pa? habulin mo ‘yung snatcher, ‘yung bag ko!” natatarantang sabi ng dalaga.

Mabilis namang tumakbo si Jaime para habulin ang snatcher at nang maabutan ay naki­pagpambuno siya rito. Subalit may patalim ito at naunahan siya.

Napasigaw si Jhona nang makita ang pag-unday ng snatcher ng patalim sa tagiliran ni Jaime.
Ospital.

Kasama ni Jhona si Julie na dumalaw kay Jaime.

“Te, sa labas muna ko ha.”

“Sige.”

Naiwan si Jhona sa ward. Nilapitan niya ang nakapikit na binata.

Saglit niya itong tinitigan bago kinausap.

“Jaime, sorry ha… dahil sa akin napahamak ka… kundi ko pinahabol sa’yo ‘yung snatcher hindi mangyayari sa’yo ‘to…”

Nanatiling nakapikit si Jaime bagama’t nauulinigan nito ang sinasabi ng dalaga.

“Alam kong mabuti ang intensyon mo sa’kin…alam kong wala kang hindi gagawin para mapasaya ko… kaya sorry, sorry kung hindi ko kayang palitan lahat ng ipinapakita mong kabutihan…”

Kinikilig na si Jaime sa naririnig.

“Pero mahal din naman kita eh…”

Gusto nang dumilat ng binata at yakapin ang dalaga, pero pinigilan na lang niya ang sarili dahil gusto pa niyang marinig ang mga sasabihin pa nito.

“Mahal kita… bilang kaibigan…”

Ang kaligyahang nadama ng puso ni Jaime ay agad ding napalitan ng kasawian.

“Sana maintindihan mo… na iyon lang ang kaya kong ibigay sa’yo… kasi…”

Hindi makahinga si Jaime sa naririnig.

Related Posts

“Kasi… may mahal na akong iba…”

Hinaplos pa ni Jhona sa noo ang binata.

“Sige hahayaan na muna kitang magpahinga…pero babalik din ako… sana pagbalik ko okay na okay ka na…”

Iyon lang at humakbang na palabas ng silid na iyon si Jhona.

Daig pa ni Jaime ang nag-50/50 matapos niyang marinig nang malinaw ang lahat ng sinabi ni Jhona. Dumilat siya. Sa pagmulat ng mga mata niya ay sumungaw ang luha. Wasak na wasak ang puso niya at pakiramdam niya ay gusto na niyang doon na lang magtapos ang buhay niya.

Pagdating sa bahay ay isinandal ni Jhona ang likod sa sofa. Ibang klaseng kalungkutan ang nararamdaman niya ngayon. Nalulungkot ba siya dahil sa mga sinabi niya kay Jaime maski hindi nito narinig o naguguilty lang siya na dahil sa kanya ay nasa ospital ito ngayon?
Nilapitan siya ni Julie at inabutan ng isang basong tubig.

“O, malamig ‘yan.” Anito.

“Salamat.”

“Ba’t ganyan ang mukha mo?”

“Nalulungkot ako eh.”

“‘Wag mo ng sisihin ang sarili mo, wala namang may gusto ng nangyari eh.”
“Ewan ko ba…”

“Nga pala, nu’ng nasa room ka ni Jaime tumawag si Miguel sa phone mo, sinagot ko na, pakisabi raw sa’yo na mag-dinner kayo mamaya kung pwede ka.”
“Ha?”

“Ang sabi ko, ask muna kita mag-call back ka na lang sa kanya.”

“Okay.”

Sa bahay ni Miguel.

“Aba, mukhang may lakad ah?” puna ni Manang Berta nang makitang bihis at nagsasapatos na si Miguel.

“Nag-return call na po si Jhona at pumayag na siyang mag-dinner kami tonight.”

“Ah gano’n ba, sige, goodluck iho.”
“Thanks manang.”

Nang makaalis ang binata ay nalungkot ang mukha ng matanda. Ibinuka niya ang nakatikom na palad at mula doon ay tiningnan niya ang mga piraso ng mga gamot.

Itatanong sana niya sa alaga kung para saan ang mga ito pero hindi na niya nakuhang itanong nang makita niya ang kasiyahan sa mukha nito. Ayaw niyang sirain ang gabi ni Miguel kaya sa ibang araw na lang niya ito uusisain.
Restaurant.

“Salamat at tinanggap mo ang invitation ko.” Si Miguel.

“You’re welcome and thank you rin.” Naka­ngiting tugon ng dalaga.

Iniabot ni Miguel ang cake na dessert kay Jhona.

“Try this, this is their special dessert here.”

“Talaga? Mukhang pangkaraniwang cake lang naman!” biro ng dalaga.

“Maybe, pero kapag natikman mo saka mo masasabing espesyal pala talaga, just like you, you look like an ordinary girl, but the more I know you, the more you become special to me.”

Walang masabi si Jhona. Masyadong matamis ang dila ni Miguel sa mga oras na ‘yon at wala siyang maapuhap na kahit anong salita para rito.

Nang naisubo na niya ang cake ay may nakagat siyang parang matigas. Nahihiya man ay kinuha niya ito sa bibig at nanlaki ang mga mata niya nang malaman kung ano ‘yon. (Itutuloy)