Una sa Balita

My cup of tea (11)

By
0 583

Mataas ang pangarap ni Jhona. Mas mataas pa sa lipad ng mga kalapating inaalagaan ng tatay nila.

Sa kabila ng kanilang kahirapan ay hindi siya bumibitaw sa kakarampot na pag-asa. Sa umaga ay nagtitinda siya ng mga baboy at manok sa palengke.

Sa hapon naman ay inilalako niya ang mga gulay mula sa sariling pananim at sa gabi ay pumapasok siya sa ilang oras lang na eskwela bilang iskolar.

Samantalang si Jaime ay isa lang tambay sa kanto na wala yatang gustong gawin sa maghapon kundi ang asarin siya saan man siya nito makita.

Ang pangarap niyang maging boyfriend sa tamang panahon ay ang katulad ni Miguel. Mayaman. Edukado. At mabait. Pero langit at lupa naman ang pagitan nila.

Kaya naman itinulak niya si Jaime palayo sa kanya dahil ayaw niya ng style at pananaw nito sa buhay.

Sa paglipas ng panahon ay muling nagkrus ang landas nila. Siya ay nakatapos na ng pag-aaral at nagtatrabaho na sa isang restaurant pero hindi pa rin ganoon kataas ang estado nila sa buhay.

Habang si Jaime na hindi inaasahan ng lahat ay kadarating lang mula Dubai at asensado na sa buhay.

Sa pagtatagpo ng kanilang landas ay walang nabago sa pag-ibig ni Jaime para sa kanya.

Pero nag-aalinlangan siya ngayon na tanggapin ito dahil minsan niya itong ipinagtulakan palayo sa buhay niya.

Subalit sa pagkakataong ito ay hindi na haha­yaan ni Jaime na muli siyang ipagtulakan ni Jhona palayo lalo’t alam niya na hinanap din siya nito noong mawala siya.

Isang maulan na hapon. Sakay ng pampasaherong jeep si Jhona. Dahil kasagsagan ng ulan kaya kasagsagan din ng traffic.

“Haist, anong oras na naman kaya ako makakauwi nito?” tanong niya sa sarili.
Wala siyang magawa kundi ang mapabuntong hininga na lang.

Medyo malayo pa ang jeep sa babaan niyang kanto ay natanaw na agad niya si Jaime. Kaya muli siyang napabuntong hininga.

“Hay naku, isa pa itong pampa-bad trip eh…”

Alam kasi niya kung bakit nakatayo sa kanto si Jaime. Nag-aabang na naman ito sa pagdating niya. Kabisado na kasi nito ang araw ng pamamalengke niya para sa sari-sari store.

At kabisado na rin nito maging ang oras ng pag-alis at pag-uwi niya. Kahit pa matagalan siya sa palengke ay matiyaga pa rin itong naghihintay sa kanto para sa kanya.

Huminto ang jeep at bumaba ang bente dos anyos na dalaga. As expected ay nakangiti siyang sinalubong ni Jaime na isang taon lang ang tanda sa kanya.

“Jhona, ako na magdadala ng mga ‘yan.” Ang mga pinamili ng dalaga ang tinutukoy nito.
“Kaya ko na.”

“Para ano pa’t inabangan kita kung hindi rin lang kita tutulungan?” kakamot-kamot sa ulong himutok ng binata.

“Pwede ba Jaime, tantanan mo na nga ako, ilang beses ko ba sasabihin sa’yo na wala kang mapapala sa’kin?”

“Ilang beses ko rin bang sasabihin sa’yo na kahit ilang beses mo pa akong bastedin ay paulit-ulit na beses pa rin kitang liligawan at hihintayin?” balik tanong ng binata na may kasamang paniniyak.

“Hmp! Bahala ka sa buhay mo!”

Related Posts

Nagmamadali ang mga hakbang ng dalaga na para bang napapaso kapag napapalapit sa binata. Kaya naman hindi na alintana ang maputik at madulas na daan ng San Bernardo.
“AY!”

Dahil sa pagkadulas ng isang paa ni Jhona ay maagap na sumaklolo si Jaime, umasa na masasalo niya ang dalaga at magkakatitigan ang kanilang mga mata na magiging daan para makita nito ang sinseridad ng puso niya.

Subalit hindi ito nangyari. Maagap kasing naitukod ni Jhona ang isa pa niyang paa para makabalanse at hindi tuluyang bumagsak.

“O, ano, asa ka?” nang-iinis na sabi nito sa binata.

“Ah, e, medyo… akala ko mahuhulog ka na sa mga kamay ko eh, handa naman akong saluhin ka.” May panghihinayang sa tinig ni Jaime.

“Alam mo Jaime mas gugustuhin ko pang mahulog sa putikan kaysa mahulog ako sa’yo, kaya tsupi!” sabay senyas nito ng alis sa binata.

Pero as usual, nakabuntot pa rin si Jaime hanggang sa makarating ng bahay nila si Jhona.

Sinalubong si Jhona ng kapatid niyang si Julie na siyang malusog sa kanilang tatlong magkakapatid.

Siya ang pinakamatanda, sumunod si Julie, 20 at bunso si Jaja 18, working student sa Makati kaya nakabukod ito sa kanila.

“Ate nabili mo ba ‘yung pinapabili ko sa’yo?”

“Oo, paano ko ba naman makakalimutan e maya’t maya mo na lang pinaalala sa text ang avocado mo, istorbo ka sa pamamalengke ko eh!” sabay lapag ni Jhona ng avocado sa mesa.

“Thanks ate!”
“Teka natapos mo ba ‘yung labahan?”
“Nakasampay na po.”

“Okay, good. Sige tulungan mo ko, ayusin natin sa tindahan itong mga napamili ko.”

Ang mga magulang nila ay magkatulong sa pwesto nila sa palengke. Mga baboy at manok ang itinitinda nila.

Kapag hindi niya araw ng pamamalengke para sa sari-sari store nila ay nagbabantay naman siya sa pwesto nila sa palengke.

Sa hapon ay inilalako ang mga gulay na mula rin sa pananim nila at sa gabi ay pumapasok sa ilang oras lang na eskwela bilang iskolar.

Isang taon na lang at ga-graduate na rin siya sa wakas sa kinuha niyang culinary. Tapos ay si Julie naman ang mag-aaral.

Si Jaja kasi ay hindi na makapaghintay pa kaya nagsikap na itong papag-aralin ang sarili kasabay ng pagtatrabaho sa isang mini restaurant bilang part time waitress.

Habang nag-aayos ng mga paninda ay inaasar ni Julie ang ate niya.
“Te Jho, kala mo hindi ko nakita ha, hinatid ka na naman ni oppa boy!”

“Oppa boy?”
“Oppampam boy haha! Lagi kasi ‘yun papampam sa’yo eh.”

“Tumigil ka nga diyan, pero tama ka as usual papansin na naman siya kanina at as usual din deadma lang ang peg ko noh!”

“Ba’t kaya hindi mo bigyan ng chance, sayang ang taong ‘yon may itsura pa naman kaya lang tamad.”

“Sinabi mo pa. Kaya never in my whole life na magugustuhan ko ang kagaya niya!” (Itutuloy)