Una sa Balita

Crimson Resort ng ‘Mister” ni Alice Dixson ‘di pinayagang magbukas sa Boracay

By
0 1,243

NAGLABAS na ang tanggapan ni Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat ng listahan ng mga establisimiyento sa Boracay na kanilang pinayagang magbukas sa Oktubre 26.

Pero hindi kasama dito ang kontrobersiyal na Crimson Resort and Spa na naging kontrobersiyal dahil sa viral vi­deo ng aktres na si Alice Dixson na namasyal sa isla kahit mahigpit ang pagbabawal na makapasok sa Boracay ang mga turista at hindi lehitimong residente habang isinasailalim ito sa rehabilitasyon ng gobyerno.

Una nang inihayag ng Kalihim na kanila lamang papayagang magbukas ang mga establisimiyento na sumusunod sa environmental laws.

“May listahan kami ng mga hotel na compliant sa environmental laws. Ang mga compliant lang ang magbubukas this October 26,” batay sa pahayag dati ni Puyat kaugnay ng nalalapit na pagbubukas ng Boracay matapos itong isailalim sa rehabilitasyon.

Tinatayang higit 1,000 ang mga establisimiyento sa Boracay pero sinabi ni Puyat na 30 porsiyento lamang sa mga ito ang sumusunod sa environmental laws.

Kabilang sa 25 hotel at resort sa Boracay na kasama sa listahan ng DOT na nakakuha ng permit at clearance mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Environment and Natural Resources (DENR) alinsunod sa “No Compliance, No Opening Policy” ng interagency task force ay ang mga sumusunod:

Luana Hotel/Hue Hotel, Astoria Current, Boracay Mandarin Island Hotel, Boracay Haven Resort, Boracay Haven Suites, Casa Pilar Beach Resort, Boracay Holidays Beach Resort, El Centro Beach Resort, De Paris Beach Resort, Best Western Boracay Tropics, Surfside Boracay Resort & Spa, Fairways and Bluewater Beach Resort, Discovery Shores, The Lazy Dog, Red Coconut Beach Hotel, Starfire Resort, Canyon de Boracay, AV Seven Resort, Azalea Apartment Hotel, Reef Retreat Resort, Nigi-nigi Nu Noos’E ‘Nu Nu Noos Beach, The Club Ten Beach Resort Boracay, Ferra Hotel, Den Pasar Beach Resort, and Blue Coral Beach Resort.

Matatandaan na ipinaliwanag noon ng pamunuan ng Crimson Resort na asawa diumano si Dixson ng hindi pinangalanang top exe­cutive nito at mga residente ng Boracay ang mga ito.

Binigyang-diin pa ng kompanya na wala silang nilalabag na anumang regulasyon ng pamahalaan kaugnay sa pagpapasara sa Boracay dahil hindi naman sila tumatanggap ng mga guest.