Una sa Balita

Credit upgrade ng Pilipinas ngayong taon namumuro

0 336

Good news mga kababayan! Sa mga susunod na buwan, inaasahang aangat ang credit position ng bansa mula sa upgrade na ibibigay sa Pilipinas ng mga pangunahing creditor ng mundo dahil sa matatag na macroeconomic fundamentals at maingat na pa­ngangasiwa ng ating pananalapi.

Ayon sa Department of Finance (DOF), ang inaasahang magandang credit rating ng bansa ay batay rin sa upgraded positive credit rating outlook mula sa S&P Global na iginawad noong nakaraang taon.

Halos wala namang pababang paggalaw sa mga economic indicator ng bansa sa nakalipas na taon bagkus paangat pa nga ang paglagong naitala ng bansa sa nasabing panahon.

Mula pa noong 2010, nakukuha na ng Pilipinas ang ‘investment grade’ at lahat ng tatlong pangunahing credit agency ay inilagay tayo sa ikalawang bahagdan ng nasabing credit rating o isang lebel na mas mataas mula sa batayang investment grade.

Ayon sa DOF, me­ron na tayong positive rating mula sa S&P Global kaya hindi malayong makuha ng Pilipinas ang credit upgrade. Maging ang Fitch at Moody’s ay matatag din ang pananaw sa estado ng pamumuhunan at pinansyal na katayuan ng bansa bagama’t kailangan pang gumawa ng iba pang hakbang upang iangat ang rating natin mula sa dalawang ahensyang ito.

Lalo pang papagtibayin ang katayuang ito ng Pilipinas dahil sa pagtaas ng paggasta dala ng kampan­ya para sa eleksyon sa Mayo, paglaki ng koleksyon ng mga ahensyang pinansyal kagaya ng Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs, patuloy na paglago ng konsumo ng mga rehiyon, at pagtaas ng populasyon ng aktibong kabataan na siyang pangunahing tagapagtulak ng paggalaw ng ekonomiya.

Hindi rin matatawaran ang mga inaasahang paglago sa pamumuhunan at pagyabong ng consumer spending mula sa sektor ng paggawa na siyang panguna­hing tagapagpainog ng Build, Build, Build program ng administrasyon.

Lalo pang palalakasin ang magandang pananaw-pinansyal na ito kapag nilagdaan na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pambansang budget para sa taong ito, depende sa masisilip na observations ng gabinete sa kanilang pagsuri sa enrolled version ng panukalang budget na isinumiteng bersyon na niratipika ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

Tumatarik ang pag-akyat ng ekonomiya. Ibig sabihin, bumibi­lis ang ating paglago. Kaya ganito na lamang ang pag-asang nararamdaman ng mga tagapangasiwa ng ating ekonomiya.

Sa pananalapi, bantog ang ating Bangko Sentral sa buong mundo dahil sa mahaba nitong kasaysayan at pagkakakilanlan bilang tagapagpatatag ng inflation rate at aktibong pakikilahok sa sektor ng pananalapi upang iwasan ang anumang krisis at iba pang hindi inaasa­hang mga pangyayari sa ekonomiya.

Sa gitna ng positibong pananaw at pag­lago ng ekonomiya ng bansa, titiyakin namin sa gabinete na lahat ng ito ay papakinabangan ng ating mga kababayan at mapapabuti nito ang buhay lalo na sa mga rehiyon at kanayunan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy