Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Credit rating, stock market aangat kung paspas ang bakuna

0 19

Sa dami ng nerbiyos at takot na idinulot ng COVID-19 sa ating lahat, aakalain mo bang pati ang Philippine stock market ay nabahag ang buntot dahil sa pagsulpot ng Delta variant?

Bagsak na naman ang unti-unti na sanang umaangat na stock market. At ang itinuturong salarin ay ang mas nakakahawang Delta variant na unang nakita sa India.

Pati ang negatibong gradong ibinigay ng Fitch Rating sa credit outlook ng Pilipinas ay konektado rin sa pandemya at sa nakikita nilang paraan ng pagtugon ng pamahalaan dito.

Ayon sa credit watcher na Fitch Ratings, ibinaba nito ang grado ng Pilipinas sa negatibo mula sa “stable” dahil sa matinding epekto ng pandemya sa ating ekonomiya na sa tingin nila ay mag-iiwan ng latay at matagal na paghihilom.

Duda rin ang Fitch na matatapos bakunahan ng pamahalaan ang 70% ng populasyon bago matapos ang taon, dahil 3% pa lamang ang nakakakumpleto ng bakuna.

Ano ang epekto ng negatibong rating sa atin? Tataas ang halaga ng ating utang at hihina ang piso. Hindi maganda ang epekto nito sa ekonomiya kaya’t sumunod na naapektuhan rin ang kalakalan sa stock market.

Nakakalungkot ang ganitong mga kaganapan subalit hindi na rin tayo nagulat.

Nakikita nating ginagawa ng pamahalaan ang mga paraan sa abot ng makakaya, sa kabila ng limitasyon sa supply ng bakuna at resources.

Subalit sa pananaw ng mga ekonomista at nagbabantay sa merkado, pwede pang pagbutihin ang aksyon ng pamahalaan.

Maaari nating remedyuhan ito at maibalik muli ang magandang grado ng Pilipinas.

Nasa “bilis” ang solusyon: mabilis na pagbabakuna; mabilis na pag-distribute ng Bayanihan 1 & 2 pondo na inilaan sa mahihirap, frontliners at apektadong sektor ng pandemya; mabilis na pag-release ng pondo para sa infrastructure projects na na-embudo sa DBM; mabilis na pagbayad ng PhilHealth sa lumolobong utang sa mga ospital.

Lahat ng mga perang ipapamahagi ay iikot rin upang mapasigla ang ekonomiya, makalikha ng trabaho at kumpiyansa.

Kakulangan ng kumpiyansa ang pangunahing sagabal na pumipigil sa ating recovery mula sa pandemya. Kulang ang kumpiyansa sa ekonomiya at sa bakuna.

Hindi rin nakakatulong na sa panahong dapat ay solusyon sa krisis ang pinagtutuunan ng pansin, bangayan sa pulitika ang ingay na nangingibabaw.

Isang taon at kalahati na tayong pinahihirapan nitong COVID-19. Bakuna ang tanging solusyon upang malabanan ang pagkalat ng virus at maibalik natin ang nawalang sigla ng ekonomiya at kalayaang lumabas ng mga tao.

Sana’y magtuloy-tuloy ang pagdating ng maraming bakunang donasyon ng ibang bansa at organisasyon, kasabay ng mga binili ng pamahalaan.

May pag-asang mabakunahan ang target na 70% ng populasyon dahil noong isang araw ay natamo ang pinakamataas na bilang ng nabakunahan sa isang araw na 391,283.

Kung magpapatuloy ang ganitong bilis ng pagbabakuna, abot-tanaw ang herd immunity sa lalong madaling panahon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.