Una sa Balita

Crackdown sa mga undocumented Pinoy sa Malaysia, inaabangan

0 96

INAABANGAN ng Philippine Embassy sa Malaysia ang crackdown sa mga undocumented Filipino doon kaya’t nakaantabay sila para magbigay ng tulong sa mga maaarestong kababayan.

Natapos na ang amnesty program ng Malaysia para sa undocumented migrants noong Agosto 30, kaya’t inaasahan ni Ambassador Charles Jose na magsasagawa ng crackdown ang pamahalaan ni Prime Minister Mahathir Bin Mohammad.

Ayon kay Jose, higit sa dalawang taon ang naging palugit ng amnesty program pero nasa isang porsyen­to lang ng undocumented Filipino o kabuuang 5,844 ang pumatol sa programa.

Hindi umano kinagat ng mga Pinoy ang amnesty program ng Malaysia dahil kahit hindi sila ipapakulong, pagbabawalan naman silang makabalik sa nasabing bansa sa loob ng limang taon.

Dahil sa pinangangambahang crackdown sa mga Pinoy na iligal na nagtatrabaho at naninirahan sa Malaysia, sinabi ni Jose na oras na maaresto sila ay titiyakin nilang tatratuhin sila ng maayos ng pulis­ya doon at mapangalagaan ang kanilang karapatang pantao.