Una sa Balita

CPP Kumander Bilog kalaboso

0 387

NAARESTO ng mga ope­ratiba ng Police Regional Office 3 ang dating chairman ng Communist Party of the Philippines (CPP) na si Rodolfo ­Salas alyas Kumander ­Bilog sa ­Angeles City, ­Pampanga kahapon ng madaling-araw.

Naaresto si Salas alas-5:50 ng mada­ling-araw sa Doña Carmen St., Mountainview, ­Balibago, Angeles City, Pampanga.

Kusang loob naman umanong sumama si Salas matapos ihain sa kanya ang dalawang warrant of arrest para sa 29 na kasong murder kaugnay sa Inopacan, Leyte massacre noong dekada 80.

Narekober sa suspek ang isang kalibre .45 Para-Ordnance pistol, 174 piraso ng iba’t ibang kalibre ng baril at 2 .45 Cal. magazine assembly.

Nakakulong ang suspek habang inihahanda ang panibagong kaso ng paglabag sa RA 10591 o illegal possession of firearms and ammunition laban sa kanya.

Namuno si Salas sa CPP sa kalakasan ng rebelyon noong kalagitnaan ng 1980’s, sa pamumuno din ni Kumander Bilog naganap ang pag-boycott ng 1986 snap election na siyang nag-trigger sa EDSA revo­lution kung saan nagwagi si dating Pa­ngulong Corazon Aquino.

Hinawakan nang sabay ni Kumander ­Bilog ang chairmanship ng CPP at commander ng NPA.

Una nang naaresto si Kumander Bilog noong taong 1987 at ikinulong sa Camp Crame hanggang sa mapakawalan ito noong 1992.

Bumalik si Salas sa Pampanga at nag-organisa ng isang koope­ratiba ng magsasaka. (Edwin Balasa/Rudy Abular)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More