Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

COVID sirit hanggang Pebrero pa!

0 54

Inaasahan ng Department of Health (DOH) na mas lalo pang tataas ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa sa katapusan ng Enero hanggang ikalawang linggo ng Pebrero.

Inihayag ito ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa press briefing sa Malacañang batay sa pagtaya aniya ng mga eksperto at sa ipinakitang projections sa pulong ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF-MEID) Huwebes ng gabi.

Ayon kay Vergeire, hindi pa umaabot sa `peak’ ang kasalukuyang mga kaso ng COVID kaya mahalaga aniyang mag-ingat ang publiko dahil sa mabilis na pagkalat ng Omicron variant.

“Base po sa projections na ginagawa ng ating mga eksperto, ang peak po ng mga kaso, it’s not going to happen soon. It’s going to happen towards the end of January or even as late as second week of February,” ani Vergeire.

Hinikayat ni Vergeire ang publiko, partikular ang mga hindi pa nakatanggap ng COVID vaccine na pabakuna na para hindi madagdag pa sa bilang na ipinakita ng mga eksperto.

“Ito po mga kaso, patuloy pa rin hong tataas kaya lahat tayo ay mag-ingat, lahat po ay magpabakuna para makatulong tayo na hindi natin maabot `yong projections na ipinapakita ng mga eksperto,” dagdag ni Vergeire.

Alert level 4 `pag umapaw mga ospital

Ipinaliwanag naman kahapon ni acting Presidential Spokesperson Karlo Nograles na hindi pa umaabot sa 71 porsiyento ang healthcare utilization rate sa National Capital Region (NCR) kaya hindi pa magdedeklara ng alert level 4.

Napagkasunduan kasi sa IATF meeting na ipako sa alert level 3 ang NCR mula Enero 16 hanggang Enero 31.

“Binabantayan namin ang Metro Manila in terms of `yong bed utilization. At gaya ng aming laging sinasabi `pag tumama `yan sa 71 percent, then, that’s when it would be right to elevate Metro Manila to alert level 4,” sabi ni Nograles.

Para makontrol aniya ang utilization rate ng mga hospital bed para sa pasyenteng may COVID, tanging mga indibiduwal lamang na madaling mahawa o nasa high risk group ang bibigyang prayoridad na tanggapin sa ospital.

“`Yong mga mild, lalo na ang mga asymptomatic na puwedeng mag-isolate at home at ma-manage through telemedicine, we have to manage it there,” ani Nograles.

“‘Pag hindi angkop ang bahay, we have to bring them to temporary treatment and monitoring facilities or isolation facilities para ang mga hospital beds should be reserved only to those who need it most,” dagdag ng kalihim.

37K bagong record high

Nakapagtala ng panibagong record high sa mga bagong kaso ng COVID sa bansa ang DOH hanggang alas-kuwatro ng hapon kahapon.

Umabot sa 37,202 bagong kaso ang naitala nitong Biyernes kung kaya’t umakyat sa 3,129,512 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng COVID sa bansa.

Ito umano ang all time record high sa ngayon mula nang magsimula ang pandemya sa bansa.

Nakapagtala naman ng 9,027 na bagong gumaling at 81 ang nadagdag sa bilang ng mga nasawi.

Kasabay ng pagsirit ng daily COVID case, pumalo rin sa 265,509 ang mga aktibong kaso.

Pinamakataas ang kaso ng COVID sa Metro Manila na umabot ng 16,824 o 46%, sinundan ng Region 4A (Calabarzon) na 8,580 o 23% at Region 3 (Central Luzon) na may 4,052 o 11%. (Aileen Taliping/Prince Golez/Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.