Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

COVID, presyo, trabaho

0 113

Muli na naman pong sumirit ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa ngayong Enero kung saan umabot na sa mahigit 28,000 ang naitatalang mga kaso sa loob ng isang araw.

Umabot rin po sa 44% ang positivity rate. Ibig sabihin, dalawa sa kada limang nagpapa-test ay nagpopositibo sa sakit.

Bagamat dalawang taon na tayong nakikipagbuno sa pandemya, nananatiling pangunahing concern ng mga Pilipino ang paglaban sa COVID-19 at ang iba pang kaakibat na mga isyu lalo na po ang trabaho at pagkontrol sa presyo ng mga bilihin.

Pangunahing dagliang solusyon pa rin po ang bakuna, ang patuloy na pagsunod sa mga health protocol, personal na disiplina, at pagpapatupad ng alert level system at granular lockdown para mapigilan ang nararanasan na naman natin ngayong paglobo ng bilang ng mga tinatamaan ng virus.

Bagamat marami na sa atin ang nabakunahan at nabigyan ng booster shot, hindi po ibig sabihin ay magiging kampante na tayo at ipagwawalang-bahala na ang mga protocol.

Sa isinulong nating budget para sa taong 2022, sinuportahan po natin ang pondo para tugunan ang COVID-19 tulad ng sweldo at benepisyo ng mga health worker, emergency hiring ng mga medical frontliner, pagbili ng mga laboratory equipment, at pagdaragdag at training ng mga contact tracers.

Sinuportahan din po natin ang pondo para sa special risk allowance ng mga health workers at pagbili ng mga booster shot ngayong 2022.

Subalit ang lalong mahalaga ay masigasig din po tayo sa paghanap ng mga pangmatagalang solusyon sa pandemya, presyo, at trabaho.

Tuloy po ang pagpopondo sa trinabaho nating Doktor Para sa Bayan Act kung saan aabot sa ₱3-bilyong piso ang pondo para sa Medical Scholarship and Return Service Program at pagtatayo ng mga bagong school of medicine sa bansa.

Noong ika-7 ng Enero 2022, naglabas ang Philippine Statistics Authority ng pinakabagong ulat tungkol sa unemployment rate sa bansa kung saan mas maraming trabaho ang nalikha noong buwan ng Nobyemre 2021.

Related Posts

Mula sa 7.4% noong Oktubre o 3.50 milyong Pilipinong walang trabaho, bahagyang bumaba ito sa 6.5% o katumbas ng 3.16 milyong Pilipino. Hindi po maikakailang nakatulong ang pagtatanggal ng mga restiriksyon, pagbubukas ng turismo, at pagdami ng aktibidad ng ekonomiya dahil na rin sa kapaskuhan.

Ito po ang dahilan kung bakit patuloy nating minomonitor ang pagpapatupad ng National Employment Recovery Strategy ng gobyerno para maibalik ang mga nawalang trabaho at tulungan ang mga manggagawa at industriya na makabangon mula sa dagok ng pandemya.

Ngayong 2022, aabot sa ₱1.5-bilyon ang pondo para sa sinulong nating Tulong Trabaho Act na layuning iangat ang skills ng ating mga kababayan para makasabay sa new normal at sa mga bagong requirement sa trabaho dulot ng paggamit ng teknolohiya.

Kung bumaba ang unemployment rate, tumaas naman ang underemployment rate o bilang ng mga Pilipinong gusto ng dagdag na oras ng trabaho o dagdag na bagong trabaho mula sa 14.2% noong Oktubre sa 16.1% noong nakaraang Nobyembre.

Dulot po ito ng pagpapatupad ng shifting o mas kakaunting oras ng trabaho sa iba’t ibang kumpanya, gayundin ang pagdami ng mga kontraktwal na trabaho epekto ng pagdiriwang ng Pasko at bagong taon.

Isa po ito sa dahilan kung bakit ipinaglalaban natin sa Senado ang Senate Bill No. 1810 o ang Freelancers Protection Act para mabigyan ng sapat na proteksyon at benepisyo ang mga Pilipinong gumagawa ng paraan para madagdagan ang kanilang kita.

Kapag naisabatas po ang ating panukala, hindi na aabutin ng siyam-siyam bago mabayaran ang mga freelancer na dapat bayaran nang buo ng kliyente sa loob ng 30 araw pagkatapos makumpleto ang trabaho at serbisyo kung wala silang napagkasunduang takdang araw ng pagbabayad.

Samantala, nanatiling mataas ang implasyon o presyo ng mga bilihin. Nitong 2021, nag-average ang inflation sa 4.5%, malayo sa target ng gobyerno na 2% hanggang 4%.

Kailangan pong bigyang pansin ang COVID at paglikha ng de-kalidad na trabaho dahil sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, patuloy na tataas ang bilang ng mga kababayan nating naghihirap na sa kasalukuyan ay nasa 23.7% na ang poverty rate o katumbas ng 26.1 milyong Pilipino.

COVID, presyo, at trabaho ang patuloy po nating pagtutuunan ng pansin at misyong isusulong bilang inyong  empleyado sa Senado.

Leave A Reply

Your email address will not be published.