Una sa Balita

Contractor, mastermind sa Mayor Bote slay

By
0 1,488

TUKOY na ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y mastermind sa pagpatay kay General Tinio, Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote kung saan nag-ugat ang krimen sa umano’y isang kontrata sa gobyerno.

Sa isinagawang press briefing kahapon sa Camp Crame, pinangalanan ni PNP chief Director Gene­ral Oscar Albayalde ang mastermind sa Bote killing­ na si Christian Saquilabon, isang public contractor sa Nueva Ecija.

Ayon naman kay Police Regional Office (PRO) Director Chief Supt. Amador Corpuz, isang proyekto­ sa local Department of Tou­rism (DOT) ang umano’y ugat ng krimen.

Dagdag pa ni Corpuz na base sa ulat ng Special Investigation Task Force (SITG) Bote, lima na sa walong suspek ang nakilala ng pulisya bukod kay Saquilabon na siyang mastermind.

Unang naaresto sa Camarines Sur noong nakaraang linggo ang gunman na si Florencio ­Suarez kasama si Robert Gumaca.

Ang architect na si Arnold Gamboa ay sumuko sa pulisya habang si Jun-Jun Fajardo na nagsilbing spotter sa krimen ay pinaghahanap pa rin.

Matatandaang pinagbabaril si Bote noong Hulyo 3 nang hapon habang sakay ng kanyang kotse galing ng National Irrigation Authority­ ­(NIA) sa Cabanatuan City.

Nagtamo ang alkalde ng mahigit sa 20 tama ng bala sa katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.