Una sa Balita

‘Contessa’ finale nakakairita, walang happy ending

By
0 583

Madugo, madrama ang mga huling eksena ng Contessa ni Glaiza de Castro (Contessa). Na ang kasal nila ni Geoff Eigenmann (Gabriel) ay nauwi sa isang malagim, madugong sitwasyon.

Pero, sa eksena nu’ng Biyernes nang tanghali, bagama’t nasa alanga­ning sitwasyon, agaw-buhay na si Gabriel (Geoff) sa ospital ay iti­nuloy pa rin ang kasal nila ni Contessa (Bea).

Makadurog puso nga ang eksena na ikinakasal ang babae sa isang la­lake na hinahabol na ang kanyang hininga. At ‘yun na nga, natuloy sa kasalan, na may kasamang iyakan, at pagluluksa ang araw na ‘yon sa Contessa.

Damang-dama ng mga fan ang pag-iyak ni Glaiza. Na sinabayan pa ng malungkot na theme song ng Contessa.
At puno ng pagmamahal nga ang hali­kan nila, na ramdam mo nga ang sinabing ‘till death do us part’.

Siyempre, marami ang nalungkot sa pagtatapos nito, na ang pagmamahalan nina Contessa at Gabriel, ay nauwi sa kamatayan. Sa harap mismo ni Contessa namaalam si Gabriel na puno ng drama.

Nakakaloka ang eksena na sabay magkasunod na eksena ang kasal, pag­luluksa at libing. At si­yempre, sa huling eksena, hindi pa rin pumayag si Lauren Young na hindi siya makapaghasik ng lagim.

Kaya reaksiyon ng mga fan…

“Kaloka ending na nga kaka-stress pa rin,” Janice Basamot.

“Pakibugbog director nito!” Crizselle Agustin.

“Si Direk ang nagwagi. Ang ganda Direk. Ang ganda-ganda talaga. Sobrang ganda. Walang kasing ganda. Gawa ka ulit another teleserye,” Brian de Hombre.

“Salamat nagwakas na rin, mababawasan na rin ang stress,” James Harold.

“Isa sa pinakapa­ngit na ending. Walang happy ending. Buwisit!” Jayson Gopio.

“Anong klaseng palabas ito walang aral kahit konti,” Rhowena Barsanasasa.

***

Speaking of aral, sa tanong kay Glaiza kung ano ang magandang mensahe na naihatid ng teleserye nila sa mga manonood.

“Kagaya ni Contessa, ilang beses ka man subu­kang pabagsakin, kung mabuti ang intension mo, magawawagi ka pa rin. Hindi paghihiganti ang sagot sa mga taong nanakit sa’yo kundi pagpapatawad,” sagot ni Glaiza.

At para kay Glaiza, ang pinaka-memorable na eksena ay…
“‘Yung transition ni Bea to Contessa. Isang magandang symbolism siya na we can always redeem ourselves kahit ilang beses tayong nasaktan o nagkamali.”

***

Well, pare-pareho nga ang reklamo ng mga ma­nonood, bakit wa­lang happy ending? Bakit ang dapat sana ay masayang finale, na ang dalawang tao na nagmamahalan ay nauwi sa kamatayan?
Hindi nga tanggap ng mga manonood ang ganitong ending, na hindi masaya. Kaya rek­lamo nila, sigaw nila, unfair, unfair, unfair.