Una sa Balita

Construction worker patay sa masamang tingin

By
0 1,156

NANG dahil lamang sa masamang tingin, isang construction worker ang namatay nang pagsasaksakin ng nakasalubong nitong lalaki na kasama ang kasintahan sa Barangay Pinagsama, Taguig City kahapon ng madaling-araw.

Namatay noon din sanhi ng maraming tama ng saksak sa dibdib at sa iba’t ibang bahagi ng ­katawan ang biktimang si Foljhon Fuentes, 25-­anyos, naka­tira sa No. 86-B Purok 6, Causay St., Zone 7, North Signal, ng naturang lungsod.

Dahil sa mabilis na pagresponde ng mga awtoridad ay nadakip ang suspek na si Robert Valenzuela, 24-anyos, helper, at naninirahan sa No. 66-A 12St., Zone 1, North Signal, Taguig City.

Base sa isinumiteng report ni Senior Supt. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police, dakong alas-12:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng MRT Avenue, E.P. Hou­sing Phase 2, Barangay Pinagsama, ng nasabing lungsod.

Lumalabas sa imbestigasyon na kasalukuyang naglalakad ang suspek at ang kasintahan nito sa nasabing lugar nang makasalubong nila ang biktima na umano’y lasing. Nabangga nito ang suspek at nauwi sa mainitang pagtatalo.

Iginiit pa ni Valenzuela na tinignan nang ma­laswa ng lasing na si Fuentes ang kanyang girlfriend dahilan para saksakin niya ito.

Aniya, wala siyang intensyon na patayin ang biktima kundi balak lamang niyang takutin subalit nagalit siya nang tignan nang masama ang kanyang kasintahan hanggang sa nagdilim ang kanyang paningin.

Samantala, patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad habang nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso ang nadakip na si Valenzuela.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy