Una sa Balita

Congressman kinasuhan sa car loans

By
0 2,128

Sinampahan ng graft case ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan si Bohol Congressman Arthur Yap dahil sa umano’y maanomalyang car loan plans na ibinigay nito sa Board of Trustees ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice) mula 2008 hanggang 2009.

Bukod kay Yap, kabilang pa sa kinasuhan ng Ombudsman ng paglabag sa Section 3 (h) ng Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang mga dating miyembro ng PhilRice board na sina Johnifer Batara, Fe Laysa, William Padolina, Winston Corvera, Gelia Castillo, Senen Bacani, at Rodolfo Undan.

Gayundin ang dating executive director na si Ronillo Beronio, at ang dating cashier na si Fe Lumawag, na ipinagharap din ng tig-isang graft case.

Nag-ugat ang kaso nang makipagsabwatan umano ito sa PhilRice board sa pamamagitan ng pagpabor sa 10 empleyado para maging benepisyaryo sa institute’s car plan dahilan upang makakuha ng personal loans mula sa Philippine National Bank (PNB) para sa pagbili ng pribadong sasakyan.

Ang mga nabanggit umanong sasakyan ay pinapaupahan sa PhilRice para sa official use ng mga empleyado gayong dapat ay tuloy-tuloy ang kanilang pagtanggap ng transportation allowances dahilan upang hindi magamit ang kanilang deposito sa PNB sa panahon na umiiral ang loan.

Bukod dito, lumitaw na hindi rin dumaan sa public bidding ang kontrata para sa car plan.

Inirekomenda ang P60,000 piyansa para kay Yap at sa iba pang PhilRice board members.

Samantala, inirekomenda rin ng Ombudsman ang P90,000 at P30,000 piyansa para kay Beronio at Lumawag, ayon sa pagkakasunod.