‘CONGRESS GALIT KAY GASCON’ — PDU30

By , , , ,

Patunay lamang na galit ang mayorya ng mga kongresista kay Commission on Human Rights (CHR) Chairman Jose Luis Martin “Chito” Gascon kaya P1,000 lamang ang budget na ibinigay ng Kamara sa tanggapan nito para sa susunod na taon.

“`Yang 1,000 na ibi­nigay ng Congress sa opisina niya, kasi galit ang Congress sa kanya,” pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panayam ng media sa Taguig City nitong Martes ng gabi.

Naniniwala ang Pangulo na naimbiyerna ang mga mambabatas kay Gascon dahil sa pagiging ‘bias’ nito o pagkiling sa mga kaso ng human rights.

Sinabi ni Duterte na si Gascon ay “geared to investigate government abuses and mistakes, shortcomings” subalit hindi naman pinupuna ang mga krimen na gaya ng ginawa ng Maute Group sa Marawi City na ikinamatay ng mahigit 100 sundalo.

Gayunman, umaasa ang Pangulo na irerekunsidera ng Kamara ang desisyon sa budget ng CHR na isang constitutional body.

“Maybe someday, they might review their decision…I’m not here to destroy institutions,” ayon pa kay Duterte.

Hindi naman umano ikinagulat ito ni Gascon dahil na rin sa nauna nang pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na bibigyan ng zero budget ang CHR.

Nagpasalamat na lamang si Gascon na sa halip na zero ay may konting halaga na inaprubahan ang Kamara. Pero hindi nawawalan ng pag-asa si Gascon na mabibigyan sila ng sapat na budget at inaasahan na lamang nila ngayon ang Senado kung saan inaprubahan na sa committee level ang hinihingi nilang P678 milyong budget.

Ang ginawa aniya ng Kamara ay para na ring hindi pagbibigay ng suporta sa human rights. Malaki rin umano ang epekto nito sa ilalabas na resolusyon ng United National Human Rights Committee matapos ang isinagawang periodic review tungkol sa kalagayan ng human rights sa bansa.

Aniya, salungat ang ginawa ng Kamara sa na­ging pahayag at depensa ni Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano sa UN na bilang patunay ng pagpapahalaga ng gobyerno sa human rights ay ang pagbibigay ng malaking pondo sa CHR.


UN UMALMA

“Reprehensible and unconscionable,” ang reaksyon ni UN Special Rapporteur on Extrajudicial, Summary or Arbitrary Executions sa ginawa ng Kamara.

Tinawag ni Dr. Agnes Callamard na karapat-dapat kondenahin at wala sa katwiran ang pagboto ng mga mambabatas pabor sa P1,000 budget ng CHR.

Giit ni Callamard, na­rarapat lang na mayroong matibay at independent na human rights institution ang Pilipinas na magbabantay, mag-iimbestiga at mag-uulat ng mga paglabag sa karapatang pantao at poprotekta sa mga biktima at kanilang mga pamilya.

ILALABAN NG SENADO

Ipinangako naman ni Sen. Panfilo Lacson, chairman ng Senate subcommittee on finance, na idedepensa ang panukalang budget ng CHR pagdating sa plenary debate.

Ayon kay Lacson, kung maraming miyembro ng mayorya ang boboto sa pagpapatibay ng P678 milyong budget ng CHR sa Senado, ilalaban nila ang halagang ito pagdating sa pagpupulong ng bicameral conference committee.

Bukod kay Lacson, ang iba pang senador na nagsalita na para ibalik sa P678 milyon ang budget ng CHR ay sina Sens. JV Ejercito, Francis “Chiz” Escudero, Sonny Angara at Grace Poe. 

 

SHARE