Una sa Balita

Cong. Roque kapalit ni Andanar o Abella?

By
0 3

Tahimik ang Malacañang sa ulat na mayroon umanong napipintong ba­lasahan sa ilang appointees ni Pangulong Rodrigo Duterte partikular sa mga opisyal ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Kasunod ito nang pag­lutang ng pangalan ni Kabayan party-list Rep. Harry Roque Jr. na posibleng madagdag sa PCOO kapalit sa alinmang puwesto nina PCOO Secretary Martin Andanar o ni Presidential Spokesman Ernesto Abella.

Pinadalhan ng text message kahapon si Abella para hingan ng reaksiyon subalit walang tugon mula sa kanya.

Nasa United Kingdom naman ngayon si Andanar at walang pahayag mula sa kanyang tanggapan.

Wala namang pahiwatig si Pangulong Rodrigo Duterte na magkakaroon ng rigodon sa PCOO o sa ibang mga opisyal ng Malacañang.

Naging sentro ng puna ng mga kritiko si Andanar at ang tanggapan nito matapos ilang beses na pumalpak ang Philippine News Agency (PNA) na nasa ilalim ng kanyang pangangasiwa.

Si Abella naman ay binatikos dahil sa ilang pagkakataon na magkaiba ang pahayag nito sa Pangulo at hindi nito umano naipagtanggol ang Punong Ehekutibo sa pagbanat sa European Union at hindi nabigyan ng tamang impormasyon kaugnay sa grupong nagbantang magpapaalis umano sa Pilipinas sa United Nations Human Rights Commission.