Una sa Balita

Cone sinungaling! – Garcia

By
0 2,618

MATAPOS ang nakakapagod na triple overtime noong Biyernes ng gabi na pinagwagian ng Barangay Ginebra versus Rain or Shine 100-92 ibinunyag ni coach Tim Cone na may bad back si Japeth Aguilar.

Kaya nga kung tutuusin tila binigyan pa nila nang partida ang RoS dahil bukod sa nanakit na likod ni Aguilar hindi rin nakalaro ang isa pa nilang hingante na si Greg Slaughter na may sprained ankle.

Sa kabila ng sinasabi ni Cone na may iniinda si Japeth nagbuslo pa ito ng 30 puntos kasama na rito ang dalawang krusyal na charities na nakatulong para hindi na umabot pa sa ikaapat na overtime.

“One hour before report time, Japeth called that he has a bad back. With Greg (Slaughter) out we forced Japeth to play”, sabi ni Cone sa post game interview.

Pero pinasubalian ang mga patutsada ni Cone, ni RoS coach Caloy Garcia.

“Kung tutuong may bad back si Japeth hindi siya tatagal na maglaro ng ganoong katagal. Tiyak na bibigay siya”.

Para kay Garcia bahagi ito ng strategy ni Cone para magkumpiyansiya siya na may injury si Aguilar at hindi ito 100% sa kanilang playoffs na magsisimula sa Lunes.

Naglaro si Aguilar sa triple overtime ng 51.14 minuto at bukod sa 30 points ay humatak din siya ng 17 rebounds at limang assists.

Anyway, bagama’t natalo, sinabi ni Garcia na malaki ang naitulong ng triple overtime na ma-develop ang character ng kanyang mga player.

Tungkol naman kay Slaughter, duda si Cone kung makakalaro ito sa quarterfinals.

“We have no time table on Greg return. He could come back sometime in the ­quarterfinals. We’re hoping. It could be a week. It could be three or four days. All depends on his day to day therapy or it could be a week”, panapos ni Cone.