Una sa Balita

CONASS ‘BUGBOG SARADO’ AGAD!

By
0 194

Bumubuwelo pa lang, bugbog-sarado na sa negatibong mga reaksyon ang Constituent Assembly (ConAss) bilang paraan ng pagretoke sa Saligang Batas para isulong ang ‘pet project’ ng admi­nistrasyong Duterte na pagbabago ng porma ng gobyerno ng Pilipinas tungo sa federalism.

Kamakalawa ay sinabi ni House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez na mas gusto na raw ni Pangulong Rodrigo Duterte na idaan sa ConAss sa halip na sa Constitutional Convention (ConCon) ang Charter change (ChaCha).

ConAss = A**hole

Pero isa sa unang pumalag dito si Sen. Panfilo Lacson na sa kanyang tweet ay nagsabing, “CON-ASS vs CON-CON: ASSHOLE vs CONCEIVER. Take your pick, citizen.”

Wala pang naghain sa Senado ng resolusyon para sa pag-convene ng ConAss, bagkus marami ang naghain ng ConCon bill, isa na rito ang Resolution of Both Houses (RBH) No. 1 na inihain ni Senate President Pro-Tempore Franklin Drilon.

Sa panukala ni Drilon, giit nito na magkaroon ng halalan ng magiging delegado ng ConCon sa Enero 2017 upang siyang magsagawa ng pag-amiyenda ng Konstitusyon.

Ipinanukala pa ni Dri­lon na ang mga tumakbo sa May 9 elections ay hindi na maaaring tumakbo pang delegado ng ConCon.

Layunin nito na masigurong walang anumang interes sa kakalikuting Saligang Batas ang mga delegadong uupo para isakatuparan ang ChaCha.

Pero giit ni Alvarez, malaki umano ang matitipid kung ang mga nakaupo nang mambabatas sa 17th Congress ang magreretoke sa Konstitusyon. (Boyet Jadulco)

“Zombies”

Giit naman ni Akbayan partylist Rep. Tom Villarin, “A constitutional assembly under a supermajority in both chambers of Congress is like having zombies to rewrite our Constitution.”

Si Villarin ay miyembro ng tinatawag na “Legitimate 8” na minorya ng Kamara.

Maging si Kabayan partylist Rep. Harry Roque na naniniwalang hindi magiging pulido ang Konstitusyon na ipapasa ng ConAss dahil tiyak na mamadaliin ito lalo na’t may sapat na pu­wersa aniya ang liderato ng Kongreso.

“Mare-railroad lang ang proseso,” text message pa ni Roque dahil posibleng gamitin, lalo na sa Kamara, ang puwersa ng supermajority na umaabot sa 252 para maipasa agad ito.

Sa panig naman ni Ifugao Rep. Teddy Baguilat, ang political reforms na nais makamit ng Duterte administration ay hindi mangyayari kapag itinuloy ang kanilang ConAss imbes na ConCon ang mag-amyenda sa Saligang Batas. (Bernard Tagui­nod)

Esep-esep muna!

Hinimok din ng Ma­kabayan bloc si Speaker Alvarez na pag-isipang mabuti ang pamamaraang gagamitin sa pagretoke sa Konstitusyon para bigyan-daan ang federal system at sana ay i-reconsider ang ConAss dahil sadyang hindi umano ito katanggap-tanggap.

“ConAss will not be acceptable to the people as they perceive Congress to be dominated by political dynasties and fear that vested and self-serving interests would inevitably influence proposed changes to the Constitution,” ayon sa inilabas na pahayag ng Makabayan bloc.

Nanindigan ang mga kasapi ng progresibong grupo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso na mahigpit nilang tututulan ang anumang pagsisikap na baguhin ang Konstitusyon sa pamamagitan ng ConAss.

“We thus urge Speaker Pantaleon Alvarez to reconsider his stance,” anang grupo. (Aries Cano)

Hindi pa pinal! — Malacañang

Dahil sa dami ng negatibong reaksyon, sinabi naman kahapon ni presidential spokesman Ernesto Abella na hindi pa pinal na sa ConAss idadaan ang ChaCha dahil patuloy pa umanong pinag-aaralan ang dalawang opsyon.

Dumipensa rin si Budget Sec. Benjamin Diokno sa mga batikos at sinabing, “Walang problema ang cost, kung kaya natin, kaya natin kasi this is a major overhaul of the Constitution, at nararapat naman na talagang baguhin ang Saligang Batas. Ang basa ko d’yan, nagmamadali si Presidente sa pagbabago.” (Tina Mendoza)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy