Una sa Balita

Commissioner hinabol-habol si Pres. Duterte para maging chairperson

By
0 487

Ang petmalu nang ginawa ng isang commissioner para makuha o ibigay sa kanya ni Pangulong Duterte ang pagiging pinuno ng pinagtatrabahuhang komisyon.

Ayon sa aking bubwit, binuntutan nang husto ni commissioner si Presidente sa mga presidential appointment para makausap at mag-aplay dito na gawin siyang chairperson ng komisyon.

Determinado talaga si commissioner kasi inalam niya sa kanyang mga kaibigan sa Malakanyang ang mga schedule ng Presidente at pinili ang mga event kung saan niya susubukang kornerin ang Pangulo na makausap at ilako ang sarili na i-appoint siyang pinakamataas na opisyal ng komisyon.

Nagawa naman ni commissioner ang kanyang pakay na makorner at makausap ang Pangulo pero nang mapansin ito ng Presidente ay medyo naasiwa rin siya sa commissioner at may mga pagkakataong iniwasan at tinaguan ang makulit na opisyal.

Ayon sa aking bubwit, nakakita ng ti­yempo ang commissioner na ibida ang sarili kay Pre­sidente sa pag-asang gawin siyang chairman ng ahensiya dahil nabakante ang pinakamataas na puwesto sa komisyon kasunod nang resignation ng dating chairman.

Nang mag-resign ang chairman ay nakakita ng pagkakataon si commissioner na ikampanya ang sarili sa pamamagitan nang pagbuntot sa Presidente sa mga pupuntahan nito hanggang sa dumating sa punto na nairita na rin ang Pangulo at tinaguan siya nang ilang beses.

Si commissioner ay appointee ng nagdaang administrasyon at ito rin siguro ang rason kaya medyo malamig sa kanya si Presidente, dahil unang-una hindi siya personal na kakilala at hindi rin siya rekomendado ng sinuman sa malalapit na kaibigan ng Presidente.

Kalaunan ay iba ang napili ni Presidente na gawing chairman ng ahensiya at ang nabigo at luhaang opisyal ay nanatili sa komisyon bilang ‘lady’ commissio­ner na may pa­ngalang ‘G’.