Una sa Balita

Comelec resolution 10488

0 497

Nagsimula na kahapon ang opisyal na pangangampanya ng mga kandidato sa pagka-senador at party-list representatives. Para sa mga kandidato sa mga lokal na posisyon at district representatives ang opis­yal na kampanyahan ay sa Marso 29 pa.

Isa sa mga maiinit na paksang pinag-uusapan ngayon ng mga kandidato ay ang desisyon ng Commission on Election (Comelec) na higpitan ang paggamit nila sa mga social media platforms gaya ng Facebook, Twitter, Instagram, atbp. Batay sa Resolution 10488 na ipinalabas nito noong Enero 30, bawat opis­yal na partido at kandidato ay kailangang magrehistro sa Education and Information Division ng Comelec ng kanilang mga internet site at social media platforms.

Ang dahilan sa likod ng bagong alituntuning ito ayon kay Comelec Spokesman James Jimenez ay upang masawata ang posibleng epekto nito sa darating na halalan lalo na ang pangingibabaw sa internet ng mga masama at malisyosong uri ng kampanya.

Malaki ang implikasyon ng desisyong ito ng Comelec. Una, sumasalungat ito sa “Freedom of Expression” ng ating mga mamamayan na pinoprotektahan ng ating Saligang Batas. Kung meron mang umaabuso sa paggamit ng social media, di sapat na dahilan ito upang tanggalan ang lahat ng pagkakataong maipahayag ang kanilang saloobin kahit man lamang sa mga social media platforms. Ang anumang uri ng pagsiil ay hindi katanggap-tanggap. Kung ang problema ay may nang-aabuso, may mga kaukulang batas upang ito ay masawata. Puwedeng sampahan ng kasong libelo, malicious mischief, ‘di makatarungan paninirang puri, atbp.

Pangalawa, malabo ang posisyon ng Comelec na anumang blog o social media page na nag-eendorso ng isang kandidato ay itinuturing na karagdagang official blog o social media page ng naturang kandidato kung ang kandidato o opisyal kinatawan niya ang nagpapatakbo rito. Ibig bang sabihin ng Comelec kapag ang isang indibidwal o grupo na may social media page ay hindi “official campaign representative” ng isang kandidato o partido ay hindi sakop ng nasabing Comelec Resolution 10488? Ngayon, sino ang magdedetermina kung opisyal na kinatawan nga o hindi ang nagpapatakbo ng mga blogs at internet sites? Problema ito ng monitoring at malamang sa hindi magi­ging selektibo lang ang pagpapatupad na ito na hindi katanggap-tanggap dahil puwedeng abusuhin.

Pangatlo, para maipa­tupad ang Resolution 10488, kanilang ipagbibigay-alam ang nilalaman nito sa Facebook, Yahoo, Ins­tagram, atbp. upang gawan nila ng kaukulang pagsasara ng mga blog, internet site at social pages. Ang ibig sabihin nito ay ang Comelec ang magsisilbing huwes at ang mga social media page at platform providers na mga banyagang kompanya ang magsisilbing tagapagpatupad ng kanilang desisyon. Ang pagbibigay ng papel sa mga dayuhan sa resulta ng ating halalan ay tunay na labag sa ating batas.

Karamihan sa mga gumagamit ng social media platforms ay mga kabataan. Nga­yong simula na ng kampanyahan, inaasahan nating yaong mga kandidato lalo na ang mga party-list group na kumakatawan sa mga kabataan ay magkaroon ng posisyon ukol dito. Ito ang ating pana­wagan at ito ay dapat huwag ipagsawalang bahala lamang.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy