Una sa Balita

Columbian Dyip sino ang bibili?

By
0 1,281

DAHIL hanggang ngayon ay wala pang panalo ang Columbian Dyip sa PBA Go­vernors’ Cup, at hindi umaasa ang marami na mananalo maski isang beses ang koponan bago matapos ang torneo, sigurado nang ang koponan ang muling mabibiyayaan ng top pick sa susunod na PBA draft.

Malamang na hindi n’yo pa nakakalimutan ang nangyari nuong isang taon, nang ipamigay ng Columbian ang top draft pick kapalit ang ilang mga manlala­rong hindi masyadong nagagamit.

Ayon sa marami nating mga katoto, malamang na ganyan ulit ang mangyari ngayon. Pagkatapos ipagpalit si Christian Standhardinger, sino naman kaya ang ipagpapalit ng Columbian sa mga manlalarong puwedeng maging top draft pick sa ­taong ito?

Ang ilan sa mga manlalarong inaasahang puwedeng maging top pick ay sina Trevis Jackson, Caelan Tiongson, Ray Parks, Robert Bolick at CJ Perez.

Sa isang panayam na ginawa ng isang katoto kamakailan sa mga opisyal ng Columbian, wala pa umanong plano ang koponan kung ano ang kanilang gagawin matapos ang Governors’ Cup. Marami siyempre ang nagtaas ng kilay: wala pang plano?

Isang katoto na malikot ang isip ang nagsabing malamang na naghihintay ng highest bidder ang koponan. Ang sabi ko naman, huwag, bigyan ng pagkaka­taon ang Dyip para isipin kung ano ang susunod nilang hakbang at kung sino ang gagawin nilang top pick.

Para sa mga hindi nakakaalam, si Jackson ang unang player na nag-apply para sa draft. Ang 23-year-old na Fil-Am ay produkto ng Sacramento State sa Amerika at nag­laro sa Marinerong Pilipino sa PBA D-League kung saan siya nag-average ng 16.7 points, 4.7 rebounds, 4.0 assits at 1.7 steals.
Ang siste, 5-foot-9 lang si Jackson.

Hindi na natin babanggitin ang credentials ng iba pang mga manlalaro na inaasahang pupuwesto ng mataas sa paparating na draft. Kilala n’yo na ang marami sa kanila.

Ang dapat pag-isipan ngayon ay kung ano ang gagawin ng Columbian. Gagamitin ba nito ang top pick para kumuha ng manlalarong makakatulong sa koponan para umangat naman ang puwesto nito sa mga susunod na conference ng PBA?

O muli itong maghahagilap ng trade? Kung ito ang gagawin ng koponan, malamang na marami na naman ang magsabing kaya ito nasa liga ay hindi para mag-kampeon kundi para… ah, hindi na natin sasabihin ang obvious.

Ang tanong: Sino ang bibili?

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy