Una sa Balita

Colorum na van, FX wawalisin sa kalye

By
0 2,612

KASAMA sa mga target na alisin sa kalsada ang mga colorum na van at FX na bumibiyahe sa Metro Manila at maging sa probinsya kasunod nang iniutos ni Pangulong Rod­rigo Duterte na nationwide crackdown laban sa mga hindi rehistrado at walang prangkisa na sasakyan sa buong bansa.

Sa programang ‘Cabinet Reports’ nina Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar at Leo Palo III, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade na lahat ng mga sasakyang hindi rehistrado at walang prangkisa ay wawalisin at aarestuhin.

Mahigpit umano ang bilin ng Pangulo sa colorum crackdown at napapanahon na rin ito para mabawasan ang problema sa masikip na daloy ng trapiko.

Abante Hiring – IT dep

Nakatakda aniyang pulungin sa Lunes ang lahat ng mga attached agency ng DOTr kasama na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), para matiyak na lahat ng colorum ay masakote sa mga pangunahing lansa­ngan.

Batid ng Palasyo na halos lahat ng lungsod sa Metro Manila ay mayroong FX at van services at mayroon pang mga terminal ang mga ito pero kailangang sundin umano ang utos ni ­Pangulong Duterte.

Sinabi ni Tugade na may alternatibong masasakyan naman ang mga pasaherong maaapektuhan sa crackdown partikular ang Point-to-Point (P2P) transport, Grab at Uber services.

“‘Yung tinatawag na point-to-point, that’s one. Pangalawa, nandiyan po ‘yung operation ng TNBs at TNCs, nandiyan din ‘yung MRT. Huwag na­ting hanapan ng justification ‘yung colorum. Kasi sasabihin mo kulang, parang pinapayagan mo ‘yung iligal,” ani Tugade.

Nag-ugat ang direktiba ng Pangulo sa paghuli sa mga colorum na sasakyan matapos bisitahin ang mga biktima ng malagim na aksidenteng sinapit ng isang bus ng Dimple Star sa Occidental Mindoro kung saan 19 ang namatay at marami rin ang nasuga­tan.