Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Colonel kritikal, kandidatong asawa sugatan sa ambush

0 173

Kritikal ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) habang ligtas na sa panganib ang asawa niyang kandidato ng isang party-list group matapos silang tambangan ng hindi pa nakikilalang suspek sa Barangay Mabolo, Cebu City noong Linggo ng gabi.

Nasa kritikal pang kalagayan sa isang pribadong ospital si Police Lt. Col. Chuck Barandog mula sa tinamong mga tama ng bala ng baril sa katawan samantalang ligtas na umano ang asawa niyang si Yvone, first nominee ng STL Party-list matapos tamaan sa likod.

Sa ulat, katabi ng opisyal ang asawa habang nagmamaneho nang dikitan sila ng gunman sakay ng motorsiklo at pagbabarilin sila sa kahabaan ng Pope John Paul II Avenue sa Brgy. Mabolo pasado alas-10:00 ng gabi noong Linggo, ilang araw makaraan siyang mailipat sa Camp Crame.

Dating hepe ng City Mobile Force ng Cebu City Mobile Force Company si Barandog habang dating chairman sa Brgy. Calamba sa Cebu City si Yvone at tumatakbong kongresista ng STL Party-list group.

Dati ring administrator ng Cebu City Medical Center ang asawa ng opisyal.

Samantala, kasama ng mag-asawa ang isang pulis bilang security escort pero hindi umano ito nakabaril nang mangyari ang pananambang.

Leave A Reply

Your email address will not be published.