Una sa Balita

Coco, Julia magkasama sa bakasyon

0 840

Pinaghihinalaang isa kina Julia Montes at Yassi Pressman ang kasama ni Coco Martin sa pinoste niyang bakasyon sa kanyang Instagram. Makikita sa post ni Coco ang iba’t ibang larawan ng lugar na hindi matukoy kung ito ba ay sa Pilipinas o sa ibang bansa na tulad ng Bali, Indonesia, at hindi rin makumpirma kung nandoon ba talaga sa nasabing lugar ang Kapamilya actor.

Pero humamig ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa kanyang mga follower.

May iba na nagsabing binili na raw ng “Ang Probinsyano” lead ang magandang lugar na ‘yon. Isa nga si Alessandra de Rossi sa nagtanong kung nabili na ni Coco ang drone shot ng villa na may la­lakeng nakahiga sa pool bench habang hawak ang kanyang telepono/camera at may isang babaeng naka-2 piece ng puti na may suot na black shades habang nakalublob ang binti sa tubig.

Malabo ang kuha sa mukha ng dalawang nilalang sa villa, pero dahil sa tsismis sa pagkaka-link ni Coco kina Julia at Yassi, marami ang nagsabi na isa sa mga ‘yon ang babae.

Ang iba ay kumbinsidong mahirap tukuyin kung ang dalawa nga ‘yon. Pero, mas marami ang naniniwalang kuha ito sa isang travel magazine na nabasa ni Coco at pinoste lang niya ito sa kanyang IG para ipahiwatig ang pagnanais niyang makarating sa nasabing serenity place.

Malapit na ngang magtapos sa ere ang AP kaya marahil naghahanap na si Coco ng lugar na mapagpapahingahan.

Well, sa interview namin kay Coco, sinabi niyang may tamang panahon para sagutin ang mga tanong tungkol sa kanyang lovelife o personal life.

JC de Vera napunitan ng tendon

Hinahangaan sina JC De Vera at ang ina ng kanyang anak na si Rikka Cruz sa pre-nuptial photos na pinoste ng aktor sa kanyang Instagram na kuha sa Instramuros, Manila.

Gandang-ganda ang netizen sa mga larawan nina JC at Rikka lalo at simple lang ang kanilang mga kasuotan.

Anyway, may saklay ngayon ang aktor dahil sa napunit na tendon sa paa niya. Kinunan ang pre-nup bago pa naaksidente ang aktor at nabendahan ang kanyang paa.

Maaring mabigo ang mga tagahanga ni Gerald Anderson na makabalita ng mga update tungkol sa lovelife nito dahil sa pinoste nito sa kanyang Instagram. Sa larawan na black and white ni Gerald, na nasa backstage hawak ang baso ng wine nakasulat sa caption ang niyayakap niya ngayong paniniwala tungkol sa peace and privacy.

Gerald natakot na sa pakikipagrelasyon

“The most important things in life is peace and privacy. So guard them with your life,” sabi niya.

Ibig sabihin, malabong magsabi ang Kapamilya actor kung may relasyon ba sila ni Julia Barretto ngayon, o talaga bang napaso na ang aktor at wala na itong jowa ngayon.

Well, kasalanan ng mga netizen kung bakit biglang naging madamot ang aktor, dahil sa kaliwa’t kanang panghuhusga sa kanya noon.

Zoren boto kay Darren para kay Cassy

Nangarap ng isang movie si Zoren Legaspi na siya ang magdidirek na pagbibidahan ng kanyang kambal na sina Mavy at Cassy Legaspi. Pero hindi lang ang kanyang dalawang anak ang gusto niyang idirek, kundi pati na sina Kyline Alcantara at Darren Espanto.

Pinoste ni Zoren sa kanyang Instagram ang video ng mga nabanggit na sinasabayan ng sayaw ng kanilang mga kamay ang upbeat music habang naka-selfie. Kasama rin sa video ang anak nina Marjorie Barretto at Dennis Padilla na si Leon, pero hindi ito nabanggit sa caption ni Zoren.

Ipinagmalaki ni Zoren na umabot na sa 2.6 million views ang nasabing video sa loob lamang ng dalawang araw. Naniniwala si Zoren na dapat nang isalin sa isang pelikula ang samahan ng mga ito. Nagprinsinta na ang aktor na siya ang ang magdidirek ng pelikula.

Kunsabagay, kahit naman noong 100 years of Phi­lippine Cinema celebration na dinaluhan nila ni Carmina kasama ang dalawang kambal, sinabi ni Zoren na puwede na ngang gumawa ng movie sina Mavy at Cassy. Ang nais daw niya ay parang horror na ala-Adams Family.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More